PINAS KASAMA SA MGA BANSANG NASA ‘VERY HIGH’ SA COVID-19

ISINAMA ng US Centers for Disease Control and Prevention (CDC) ang Pilipinas sa mahigit 100 bansa at teritoryo na nasa listahan ng level four o ‘very high’ ang dami ng COVID-19 cases.

Inabisuhan ng US CDC ang kanilang mga kababayan na iwasan munang bumiyahe sa nasabing mga bansa dahil sa mataas ng kaso ng COVID-19.

Nadagdag sa naturang listahan ang Mexico, Brazil, Singapore, Ecuador, Kosovo, at Paraguay.

Araw ng Lunes, nakapagtala ang Department of Health ng 14,546 mga bagong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Nasa mahigit 190,000 naman ang active cases, bagaman mas mababa na ito kumpara sa nakalipas na mga araw na mahigit 200,000.

Isinama rin ng US sa kanilang level four: very high list ang Anguilla, French Guiana, Moldova, Saint Vincent at Grenadines.