PINAS KULANG NG 90K DOCTORS, 300K NURSES

KULANG  ng tinatayang 90,000 na doktor at 300,000 na nars ang bansa kaya kahit magkaroon ng karagdagang ospital ay nananatiling problemado sa healthcare system nito.

Ito ang ipinahayag ni Malasakit@Bayanihan Partylist Representative Anthony Golez na dating rural doctor, sa kanyang mensahe sa mga business leaders na kasapi ng Rotary Club of Manila sa Manila Polo Club kamakailan.

Tinatayang umaabot din sa 105,000 ang kakulangan sa hospital beds sa bansa.

“Samakatuwid ay aabot lamang sa apat na kama ang nailalaan sa kada isang.libong tao,” sabi ni Golez.

Bukod dito ay malaki pa rin umano ang kakulangan sa mga doktor sa mga rural health centers lalo na sa remote at far -flung areas ng bansa dahil ang malaking konsentrasyon umano ng mga espesiyalista at mga doktor ay matatagpuan sa.mga ospital sa malalaking siyudad ng bansa.

Tinatayang sampung porsiyento ng rural health centers ay walang doktor ayon kay Golez.

“Doctors are not present in rural health centers. At dahil sa walang maayos na financing system sa health care dahil pati mga HMO na healthcare providers ay nagkakaproblema na kayang burahin ng isang malalang sakit ang anumang pinag- ipunan ng pamilya.”

Sa ngayon ay mas higit na marami ang pribadong ospital na 852 kumpara sa 443 na government hospitals. Kaya aniya hindi nakapagtataka na kung maraming pasyente ang masasawi dahil sa kakulangan sa health care workers at facilities.

Nangangamba si Golez na hindi alam ng mga awtoridad kung alin ang uunahin sa mga problemang kinakaharap ng bansa sa healthcare system nito. Maging ang kanyang panukalang batas na ipag- uutos ang mga bagong doktor na magsilbi sa bayan bago mangibang bansa dahil sa brain drain ay hindi na aniya umusad sa Kongreso. Ma.Luisa Macabuhay- Garcia