PINAS LALAHOK SA RED WEDNESDAY CAMPAIGN NG VATICAN

red wednesday

NANAWAGAN  sa mga Kristiyano ang Aid to the Church in Need (ACN) para makiisa sa Red Wednesday campaign na nakatakdang isagawa bukas.

Ito ang ikalawang pagkakataon na makikilahok ang Filipinas sa Red Wednesday campaign ng Pontifical Foundation ng Vatican na Aid to the Church in Need na idaraos sa Nobyembre 28.

Ayon kay ACN Philippines National Director Mr. Jonathan Luciano, ang pakikibahagi ay maaari namang isagawa sa pamamagitan ng sarili at personal na pamamaraan.

Maaring makapagpahayag ng pakikiisa sa kampanya sa pamamagitan ng pagsusuot ng kulay pulang damit at pag-aalay ng personal na panalangin para sa lahat ng mga Kristiyanong nasawi at patuloy na dumaranas ng pag-uusig dahil sa pananampalataya hindi lamang sa Filipinas maging sa iba’t ibang bansa.

Inaanyayahan rin ni Luciano ang bawat isa na dumalo sa mga gagawing banal na misa sa mga Simbahan mula sa iba’t ibang diyosesis na nagpahayag ng pakikibahagi sa kampanya at inaasahang magsisindi rin ng kulay pulang ilaw bilang tugon sa panawagan ng pakikiisa sa persecuted Christians.

“Inaanyayahan din po namin kayo na magsuot ng pula or something red bilang pakikiisa po natin sa layunin ng Red Wednesday, kung kayo naman po ay mayroong Simbahan na malapit na makikilahok sa Red Wednesday ay inaanyayahan po namin kayo na makiisa sa pagdiriwang ng banal na misa at sa pag-iilaw ng Simbahan ng kulay pula…” bahagi ng pahayag ni Luciano sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Sinabi ni Luciano na isang malaking ambag na ang pananalangin ng bawat indibidwal upang mas maging makabuluhan ang layunin ng natu­rang worldwide campaign na maipalaganap ang kamalayan tungkol sa usapin ng pag-uusig dahil sa paniniwala at pananampalataya.

“Sana po sa araw na ito, Nobyembre 28 ang ating mga kapatid na Kristyano ay makiisa po sa pananalangin, napakahalaga po na ating ipagdasal ang ating mga kapatid na Kristyano na pinag-uusig at ang panalangin po natin ay maaari po na­ting gawin privately or kung mayroon po kayong mga kasa-mahan, mga grupo, gawin po natin ang pananalanging ito,” dagdag pa ni Luciano.

Nakatakda ang Red Wednesday campaign 2018 sa darating na Miyerkoles, ganap na 6:30 ng gabi.

Inaasahang sabay-sabay na magdadaos ng Banal na Misa ang mga Simbahan at iba pang institusyon, bilang pagkilala, pagpupugay, pag-aalay ng panalangin at pakikiisa sa mga inuusig na Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo.

Kasunod naman ng Misa ay ang pagdarasal sa inihandang panalangin para sa mga persecuted Christians sa buong mundo at ang pagsisindi ng pulang ilaw sa mga Simbahan at paaralan na sumisimbolo sa pagiging martir at dugo ng mga Kristyanong nasawi sa pag-uusig.

Taong 2017 nang unang makibahagi ang Aid to the Church in Need Philippines sa naturang Red Wednesday campaign kung saan umabot sa may 82 ecclesiastical territories, churches at universities ang nakibahagi.

Sa kasalukuyan, batay sa tala ng ACN Philippines, nasa 1,300 ang bilang ng mga Simbahan at paaralan mula sa may 42 Diyosesis at Arkidiyosesis sa buong Filipinas ang makikilahok sa Red Wednesday campaign.   ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.