NANANATILI pa ring ligtas ang Filipinas mula sa misteryosong virus na kumakalat at namiminsala ngayon sa isang lungsod sa China.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Domingo na siya ring tagapagsalita ng departamento, simula nang umpisahan ng Bureau of Quarantine (BoQ) ang monitoring sa mga international airports sa bansa ay wala pa silang natukoy na hinihinalang kaso na may kinalaman sa naturang mysterious virus.
Tiniyak din naman ni Domingo sa publiko na sakali namang may matukoy na silang kaso ng naturang sakit ay may handa naman na silang sistema para agarang tugunan ito.
Ani Domingo, may kakayahan ang ahensiya na ma-detect, ma-identify, ma-diagnose at mabigyan ng kaukulang lunas ang naturang karamdaman.
Sinabi rin ni Domingo na ang sinusunod nilang protocol dito ay yaong ipinatupad rin nila nang panahong magkaroon ng Severe Acute Respiratory Syndrome (SARS) outbreak.
Aniya, ang mga suspected cases na maaaring matukoy sa Metro Manila ay kaagad na dadalhin sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) o San Lazaro Hospital upang doon gamutin.
Paglilinaw naman ni Domingo, walang dapat na ikaalarma ang mga Pinoy dahil sa naturang karamdaman, dahil isolated lamang ito sa Wuhan.
Tiniyak din nito, mahigpit ang monitoring na isinasagawa ng BoQ upang matiyak na matutukoy at malulunasan ang lahat ng mga pasaherong mula sa China na dumarating sa bansa na makikitaan ng sintomas ng lagnat o pneumonia, at iba pang sintomas ng bagong virus.
Samantala, nilinaw rin naman ni Domingo na wala pang inilalabas na anumang travel advisory ang pamahalaan na may kaugnayan sa virus, ngunit pinapayuhan ang mga taong nais na bumisita sa Wuhan na ipagpaliban na lamang muna ang kanilang biyahe o ‘di kaya’y sa ibang lugar na lamang muna magtungo.
Ang mga Pinoy naman na bumibiyahe sa China ay pinapayuhang magkaroon ng regular personal hygiene, ugaliing maghugas ng kamay, gumamit ng sanitizer, at magsuot ng face mask kung lalapit sa mga taong may sakit upang hindi mahawa ng karamdaman.
Matatandaang may 59 indibidwal na ang naka-confine sa Wuhan City sa Central China, matapos na makitaan ng sintomas ng sakit, na kahalintulad ng sa trangkaso.
Nitong Sabado, isang 61-anyos na lalaki na mula sa naturang lugar ang iniulat na binawian ng buhay dahil sa pneumonia, na dulot umano ng di pa matukoy na virus, habang pitong iba pa ang sinasabing nasa kritikal na sitwasyon.
Ang naturang biktima ay regular na mamimili umano ng isang seafood market, at dati nang na-diagnose na may abdominal tumors at chronic liver disease.
Nilunasan na umano ito ngunit hindi nakatulong sa mga sintomas na nararanasan nito hanggang sa tuluyang bawian ng buhay noong Enero 9 ng gabi dahil sa heart failure habang naka-confine sa isang pagamutan.
Disyembre pa nang maobserbahan ang mga kaso ng sakit sa China ngunit Disyembre 31 nang ianunsiyo na isa na itong outbreak.
Kaagad namang inatasan ni Health Secretary Francisco Duque III ang BoQ na higpitan ang monitoring sa mga pasaherong pumapasok sa bansa upang hindi makapasok sa Pilipinas ang naturang misteryosong virus. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.