PINAS LUMAGDA SA FREE TRADE AGREEMENT SA AUSTRALIA

LUMAGDA ang Pilipinas sa isang free trade agreement sa Australia at New Zealand na inaasahang magbibigay ng higit na oportunidad sa maliliit at umuusbong na negosyo sa Pilipinas.

Ginawa ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa huling araw ng kaniyang pagdalo sa Australia-Asean Special Summit sa Melbourne, Australia.

Inalok din ng Pangulo sa mga lider ang pagho-host ng Pilipinas sa tinatawag na “loss and damage fund” upang mas gawing inclusive ang commitment para sa pagbuo ng mga polisiyang kailangan para harapin ang climate change

“We are pleased to inform you, Excellencies, that the Philippines has just recently signed the second protocol to the ASEAN-Australia-New Zealand Free Trade Agreement (AANZFTA),” ayon sa Pangulong Marcos.

Dahil dito, masasabing naisulong ni Pangulong Marcos ang mga pangunahing isyung nagtataguyod sa kapakanan ng Pilipinas at mga Pilipino sa huling araw ng 2024 Asean-Australia Special Summit sa Melbourne.

Inaasahang magbibigay ng mas magandang pagkakataon ang trade agreement para sa Micro, Small And Medium Enterprises sa Pilipinas.

Kumpiyansa ang Pangulo na sa pamamagitan ng Asean-Australia-New Zealand Free Trade agreement ay mapapalakas pang lalo ang supply chain, pagpapalawak ng kalakalan at pamumuhunan at matutugunan ang mga bagong hamon sa pagnenegosyo na kinakaharap ng rehiyon.

“With the momentum from the CEO Forum yesterday, and AANZFTA together with the Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) Agreement, we are confident that we will usher in even more robust economic cooperation within our region and provide a legal framework for a more prosperous future,” anang Pangulo.

Sinamantala naman ng Pangulo ang pagkakataon na imbitahan ang Australia at iba pang mga bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nation na maging partner ng Pilipinas sa climate change at renewable energy.
EVELYN QUIROZ