IKINOKONSIDERA ng Department of Agriculture ang bansang India na maaring mapagkuhanan ng bigas sakaling magtaas ng presyo at magpatupad ng rice cartel ang ibang kalapit na bansa sa Southeast Asia.
Sinabi ni Agriculture Undersecretary Fermin Adriano na nagpalabas na ng executive order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagbaba sa taripa ng imported na bigas sa India.
Nabatid na mula sa 50 porsiyento ay ibinaba sa 35 porsiyento ang taripa.
Nauna nang inianunsiyo ng Thailand na nakipagkasundo na sila sa Vietnam para taasan ang production costs ng bigas.
Ang Vietnam at Thailand ang bumubuo sa 10 porsiyento ng rice supply sa buong mundo.
Inihayag kamakailan ng Department of Agriculture na posibleng kulangin ang suplay ng bigas sa Pilipinas ngayong tag-ulan.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, 1.1M metrikong toneladang bigas ang kailangan ngayong tag-ulan.
Nabatid na bumagsak ang produksiyon ng bigas sa bansa dahil sa kakulangan ng abono kaya kakaunting magsasaka ang nakakapag-tanim ng palay.
Aminado naman ang DA na aabot sa P30-B hanggang P40-B ang kailangan ng susunod na administrasyon upang matugunan ang nagbabadyang food crisis.