PINAS MALARIA-FREE NA SA 2030

MALARIA FREE

NAIS ng Department of Health (DOH) na sa taong 2030 ay maideklara nang malaria-free ang Filipinas, kasabay nang pag-obserba sa World Malaria Day ngayong taon.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, posible itong mangyari lalo na ngayong tanging apat na lalawigan na lang sa Filipinas ang nananatiling endemic sa malaria, kabilang ang Palawan, Sulu, Occidental Min­doro, at Sultan Kudarat.

Sa kabuuang 81 lalawigan naman sa bansa ay 50 ang deklaradong malaria-free, 27 ang nasa elimination phase, at apat ang may-roong local transmission.

“Of the total cases reported in the country, ninety-five percent (95%) were from six (6) municipalities in Southern Palawan and 5% from the rest of the country. In 2018, a total of 4,870 malaria cases and four deaths were reported,” ulat ng DOH.

Sa taong 2022 ay layon umano ng DOH na mabawasan ang malaria incidence rate ng 90%.

Ang malaria ay sakit na nakukuha sa kagat ng infective female Anopheles mosquito na namamahay sa mga ilog at mga lawa.

Maaari rin itong maisalin sa pamamagitan ng blood transfusion, at mother to child transmission.

Maaari namang maiwasan ang pagkakaroon ng malaria sa pamamagitan ng pag-iwas na makagat ng lamok, na magiging posible kung magsusuot ng mga long sleeved na damit at paggamit ng insect repellants at kulambo.

Sakali naman umanong may sintomas na ng malaria ay pinapayuhan ang pasyente na kaagad na kumonsulta sa doktor.

Kabilang sa mga sintomas ng malaria ay lagnat, pananakit ng ulo,  panginginig, pagkahilo, pagsusuka,  pagtatae, pagdedeliryo at kumbolsyon.     ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.