PINAS MAY SAPAT NA DOKTOR VS COVID-19

doctors

MAY sapat  na  doktor ang bansa upang lumaban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ito ang tiniyak kahapon ni Philippine Medical Association (PMA) Vice President Dr. Benito Atienza kasunod na rin ng mga ulat na marami nang medical doctors ang namamatay at nagkakasakit dahil sa virus.

Ayon kay Atienza, ang Pilipinas ay mayroong 120,000 doktor at ang PMA pa lamang aniya ay mayroon ng 83,000 miyembro.

Marami rin aniya sa mga doktor ang nais na mag-duty ngunit kinakailangan ay mabigyan sila ng proteksiyon upang hindi naman malagay sa alanganin ang kanilang buhay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.

Aminado si Atienza na ang malaking hamon sa kanila sa ngayon ay ang kakulangan ng personal protective equipment (PPE) kaya’t malaki ang panganib na mahawahan rin sila ng virus.

“Ang doktor natin sa Pilipinas (sic) ay umaabot ng 120,000 bukod dito yung mga nasa ibang bansa. Ang miyembro ng Philippine Medical Association ay composed of 83,000,” ani Atienza sa panayam sa radyo. “Ang kailangan lang ng mga doktor ‘yung proteksiyon, ‘yung personal protective equipment. ‘Yun lang ang hiling namin. Maraming gustong mag-duty,” panawagan pa niya.

Aniya pa, may ilang pagamutan na ang nagpapatupad ngayon ng rotation scheme upang protektahan ang kanilang workforce laban sa virus.

Tinutulungan din aniya ng PMA ang mga public at private hospitals sa pagbili ng mga karagdagang kagamitan na kanilang gagamitin.

Kaugnay nito, umapela rin siya sa pamahalaan na mabigyan sila ng karagdagang hazard pay na mahalaga rin aniya sa health care workers.

Samantala, sinabi ni Atienza na ang mga medical graduates naman aniya na wala pang lisensiya at nais na mag-volunteer upang tumulong sa paglaban sa COVID-19 ay kinakailangan pa ring pangasiwaan ng mga doktor.

Matatandaang ilang doktor na sa bansa ang binawian ng buhay matapos na malantad sa COVID-19.

Inirekomenda naman ni Senador Francis Tolentino na payagan na  magpraktis ng propesyon ang mga medical graduates kahit walang lisensiya ngayong panahon ng krisis. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.