NANGUNGULELAT ang Filipinas sa Southeast Asia pagdating sa mga cellular tower kahit isa tayo sa mga unang bansa sa rehiyon na nagkaroon ng mobile networks noong 1991.
Sa katunayan, mayroon nang halos 70,000 towers ang Vietnam habang nasa 22,000 towers pa lang ang sa atin kahit nauna tayo ng ilang taon sa kanila sa pagpasok sa industriya.
Resulta ng kakulangan ng mga cellular tower ang mahinang phone signal. Pansinin ninyo na nagkakaroon ng problema sa mga voice call at data connection kahit sa Metro Manila. Minsan nga, may mga text message na hindi nare-receive ng pinadalhan o hindi mismo mai-send. Samakatuwid, palpak ang network service!
Maraming netizens ang nagwawala sa social media kapag bumabagsak o nawawala ang kanilang phone signal pero kasalanan ba talaga ito ng Globe at Smart?
“Hindi,” ito ang sagot ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio, Jr. na naging commissioner din ng National Telecommunications Commission noong 2001.
Sinabi ni Rio sa kanyang post sa sariling Facebook account, may reputasyon na sobrang laki ng kinikita ng mga telecommunications companies o telcos. Dahil dito, naging gatasan (legal man o ilegal) na noon pa ng local government units (LGUs) ang telcos. Pati nga ang New People’s Army ay nangingikil ng ‘tax’ sa telcos na pumapasok sa mga hawak na teritoryo ng mga rebolusyonaryo.
Idinetalye ni Rio na para lumaki ang annual revenue, gumawa ang mga LGU ng mga patakaran na nagpapataw sa telcos ng one-time at recurring fees at sangkatutak na requirements.
Sa sumbong ni Globe Telecom President and CEO Ernest Cu kay Presidente Rodrigo Duterte noong isang linggo, sinabi niya na kailangan ng 25-29 permits para lang maitayo ang isang tower at tumatagal ng mahigit walong buwan ang pagkuha sa mga ito.
“Ang 25 to 29 permit, umaabot ng walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees. Iba’t ibang klaseng tower fees. Mayroon kaming special use permit. Hindi ho namin ma-standardize,” ani Mr. Cu sa kanyang televised sumbong kay Presidente Duterte.
Pinatutunayan ni Rio sa kanyang Facebook post ang pahayag ni Cu.
Dahil sa ‘dinisenyong’ red tape, nagkaroon ng dagdag na kita ang LGUs at natukso rin ang maraming local executives na manghingi ng lagay sa telcos. Kung nangyayari na ito noong 1G/2G pa lang, mas totoo ito ngayong 4G/5G na ang labanan.
Ito ang dahilan, anang dating kalihim ng DICT, kaya bumagal ang pagtatayo sa bansa ng mga telecommunication infrastracture, tulad ng mga cellular tower, at naunahan na tuloy tayo ng ibang karehiyong bansa.
Bunga ng pagbubunyag ng Globe official, tinaningan ni Duterte ang mga mayor na ayusin sa loob ng 72 hours ang mga permit ng telcos. At kung hindi nila ito gagawin, sibak sila sa puwesto!
Sa mga netizen na panay ang reklamo sa Globe at Smart sa Facebook at Twitter, bakit hindi kaya ang mayor ninyo ang tanungin ninyo?
Comments are closed.