PINAS NAKAPILA NA SA MPOX VACCINE

Nakapila na ang Department of Health  ng Pilipinas para makakuha ng bakuna kontra mpox.

Ito ang inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa sa statement na pinadala sa mga mamamahayag.

Ayon sa kanya, nagkausap na ang World Health Organization (WHO) at mga eksperto sa buong mundo na ibuhos muna sa Africa ang mga bakuna laban sa mpox.

Ito ay para matigil ang pagkalat ng nasabing sakit.

Nagpahayag naman si DOH Spokesperson Dr.  Albert Domingo  sa media na balansehin ang panga­ngailangang mag-ulat nang mabilis kaugnay sa mpox.

Kailangan aniya ay  tama at batay sa siyensiya ang mga ulat upang hindi magdulot ng pag- aalala sa publiko.

Marami aniyang  mga sakit sa balat na maaaring malito sa mpox, tulad ng bulutong-tubig, shingles, o herpes. Kaya naman, regular na nakakatanggap ang DOH ng mga ulat ng mga suspected cases ng mpox, mula nang matukoy ang unang kaso noong Hulyo 2022.

Patakaran ng DOH na ibunyag ang pagtuklas ng mga kaso ng PCR-positive mpox sa sandaling makumpleto ang pag-verify rito.

“We defer to local government units on their risk communication approach, knowing that they have the power to declare disease outbreaks within their respective localities, provided that such is supported by sufficient scientific evidence (see Sec 7, RA 11332),” batay sa pahayag.

Naitala  ng bansa ang unang kaso ng mpox para sa taong 2024, ito ay isang 33-anyos na lalaking pasyente at walang travel history na bumisita sa dermatology clinic kung saan siya nagpa-check up at isang massage spa para magpamasahe sa E. Rodriguez, Quezon City.