PINAS NO.1 SOCIAL MEDIA USER

SOCIAL MEDIA USER

NAPANATILI ng Filipinas ang pagiging number one social media users sa buong mundo dahil sa haba ng oras na inila-laan ng mga Pinoy sa paggamit ng internet at pagbisita sa mga social media site.

Ito na ang ikaapat na taong sunod-sunod na na­ngunguna ang Filipinas sa buong mundo sa paggamit ng social media, ayon sa  pag aaral na ginawa ng “We Are Social” at ng social media management platform na “Hootsuite”.

Ayon sa pag-aaral, napakaraming Filipino ang  naglalaan ng  maraming oras sa internet  at social media sites.

Ayon sa  “Digital 2019: Global Digital Overview” umaabot sa average na  10 oras at  2 minuto ang ginugugol ng mga Pinoy sa internet gamit ang iba’t ibang device.

Pumangalawa lamang ang Brazil na may internet usage na nag-aaverage lamang na 9 na oras at 29 minuto habang pangatlo ang  Thailand na siyam na oras at  11 minutos, at  nasa hulihang puwesto ang United Kingdom na may limang oras at 46 minuto.

Nabatid na ang  worldwide average para sa oras na ginugol sa  internet ay anim na oras at  42 minutos lamang.

Samantala, sa pag-aaral ng mga eksperto ay lumalabas sa kanilang datos na umaabot naman sa 4 na oras at 12 minuto ang inilaaan ng mga Pinoy sa pagbisita sa mga social media site gamit ang iba’t ibang platform.

Sumusunod sa Filipinas ang  Brazillians (3 hours, 34 minutes) at  Colombians (3 hours, 31 minutes).

Ang  worldwide average para sa paggamit ng  social media ay 2 oras at 16 na minuto at nasa huling puwesto ang Poland, Cana-da at Hong Kong.

Sa inilabas na report nitong nakalipas na buwan ng Enero 2019, may 4.39 billion internet users sa buong mundo na nagpapakita ng siyam na porsiyentong pagtaas o karagdagang 366 million kumpara sa kahalintulad na panahon noong nakalipas na taon ng 2018.

Samantala, umaabot naman sa 3.48 billion ang mga social media users nitong  2019, kung saan 3.26 billion ang gumagamit ng social media sa kanilang   mobile devices.

Nanatiling nadodomina ng Facebook ang internet bilang pangunahing social media platform na may  2.71 billion users, sinundan ito ng YouTube na may  1.9 billion users, at ang  messaging services na WhatsApp (1.5 billion) habang ang Facebook Messenger naman ay may 1.3 billion users.    VERLIN RUIZ

Comments are closed.