JAKARTA – Naitala ng Philippine women’s volleyball team ang unang panalo nito sa Asian Games magmula noong 1982 makaraang igupo ang Hong Kong, 25-18, 25-21, 25-22, sa Gor Bulungan Stadium dito kahapon.
Makaraang malasap ang straight-set defeats sa Japan at Thailand upang simulan ang torneo, bumawi ang Pinay squad sa likod nina stars Alyssa Valdez at Jaja Santiago.
Ang huling panalo ng Philippine women’s volleyball team sa quadrennial meet ay naitala sa New Delhi, 36 na taon na ang nakalilipas, nang talunin nito ang host India sa tatlong sets.
Kumana si Alyssa Valdez ng 10 kills at apat na aces upang magtapos na may 14 points, habang nag-ambag si Jaja Santiago ng 12 markers nang maglunsad ang nationals ng matinding run sa opening set tungo sa panalo.
Naglatag naman sina Mika Reyes, Majoy Baron at Dawn Macandili ng matinding depensa na pumigil sa paulit-ulit na paghahabol ng HK tossers.
Nadominahan ng Filipina belles ang attack department, 45-37; blocking, 7-1; at service aces, 11-3.
Nanguna si Yeung Sau Mei na may 15 points para sa Hong Kong na hindi pa nananalo matapos ang dalawang laro.
Ang nilaro ng Pinay spikers ay lubhang malayo sa kanilang ipinakita laban sa super powers Thailand at Japan sa kanilang unang dalawang laro.
“We were sluggish in our past two games,” wika ni head coach Shaq Delos Santos, inamin na masyadong malakas ang Thais at Japanese para sa mga Pinay.
“But every time we talk, we discuss positive things. We know the capabilities of the team and we know that we can win here. Although we still need to improve, we’re very optimistic that we can pull it through,” aniya.
Ang panalo ay maaaring magbigay sa mga Pinay ng puwesto sa quarterfinals sa Group A, kung saan muli nilang makakasagupa ang Japan at Thailand, gayundin ang Indonesia.
Nasa Group B naman ang China, Korea, Kazakhstan at Vietnam.
Hangad ni Delos Santos na tapusin ang kanilang preliminaries campaign sa pamamagitan ng panalo laban sa Indonesians, na pangungunahan ni hard-spiking Aprilia Manganang, sa Sabado.
“I hope we can be solid and perform better against the Indonesians. I told the players that you know yourselves and you know what you’re capable of. Just work hard and everything will follow,” dagdag pa niya. CLYDE MARIANO
Comments are closed.