PINAS SA SPOTLIGHT NG INTERNATIONAL BASKETBALL

SIMULA sa Agosto 25 taong kasalukuyan, mangunguna ang Pilipnas, kasama ang mga bansang Japan at Indonesia bilang mga host ng International Basketball Federation/FIBA Basketball World Cup (FBWC).

Ang FBWC ang itinuturing na pinakamalaki at pinakaprestihiyosong basketball event sa buong mundo na nilalahukan ng mahigit 30 bansa tulad ng powerhouse na mga koponan ng Estados Unidos at ng Spain. Isa rin sa highlights nito, ngayon lang sa kauna-unahang pagkakataon na higit sa isang bansa ang magho-host ng basketball event na ito mula nang mag-umpisa noong 1950.

Tatagal ang FBWC 2023 hanggang Setyembre 10, 2023, kung saan 90 games ang paglalabanan. Sa kabuuang bilang ng laro, 52 ang gagawin sa malalaking venue tulad ng Mall of Asia Arena, Smart Araneta Coliseum at sa Philippine Arena. Ang kaabang-abang pa rito, ang pinal na bahagi ng torneo ay gagawin dito sa bansa at tiyak na lalahukan ng ating magaling na koponang Gilas Pilipinas.

Ayon po kay G. Ramon Suzara na siyang chief implementor ng Local Organizing Committee for the FBWC 2023, tinatayang mahigit 3,000 participants ang darating – hindi lang mula sa mga kalahok na koponan kundi mula rin sa FIBA organization, mga representante mula sa dalawa pang host countries, media, sponsors, at mga kinatawan mula sa iba’t ibang embahada.

Mababatid na ito ang pangalawang ulit na magho-host tayo ng FIBA – nauna na noong 1978, pero posibleng malaki ang mga pagbabago rito sa kasalukuyan. Kaya, tayo po ay umaasa na magiging matagumpay ang ating hosting.
Paano nga ba natin nakuha ang hosting post?

Noon pong 2017, inilaban po ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang karapatang makapag-host tayo sa FBWC2023. At nung ma-award nga sa atin ang hosting, agad-agad tayong naghanda para rito kahit pa sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic noong mga sumunod na taon.

Bagaman paralisado ang galaw ng mga sektor, locally and internationally, nagawa pa rin ng SBP at ng LOC na makipag-ugnayan sa FIBA leadership, gayundin sa mga kinatawan ng Japan at Indonesia na makakasama nga natin sa hosting. Dahil diyan, nagkaroon ng iba’t ibang marketing strategies tulad ng paglulunsad sa FBWC official mascot na tinawag nilang “JIP” na sumasagisag sa tatlong host countries.

Bukod diyan, nagkaroon din tayo ng promotional events and ceremonies, at kinuha rin ang tulong ng malalaking pangalan sa larangan ng basketball na kinabibilangan ng NBA stars na sina Carmelo Anthony, Pau Gasol at Luis Scola. Sila ang nagsilbing Global Ambassadors para sa promosyon ng FBWC. Local Ambassadors naman ang Philippine celebrities tulad nina Catriona Gray, LA Tenorio, Jeff Chan, Gary David at Larry Fonacier.

Sa totoo lang po, napakalaki ng event na ito at tiyak na malaki rin ang maitutulong sa ating ekonomiya. Posibleng bilyon-bilyong piso ang kikitain ng bansa mula sa marketing perspective, dahil nga sa presensiya ng mga international players. Pati ang ating turismo, tiyak na gagalaw sa mga panahong narito ang world’s best athletes.

Walang kaduda-duda, itong FBWC 2023 ang isa sa pinakamalaking events na gaganapin sa ating bansa. At ang tagumpay natin dito ay tiyak na magiging bahagi na ng kasaysayan ng FIBA. Samantalahin natin ang pagkakataong ito na ipagmalaki ang Pilipinas sa mga dayuhan – hindi lang dahil sa galing natin sa basketball, kundi ang ganda ng ating bansa bilang tourist destination.