MAPAKIKINABANGAN na ng lahat ng Pinoy mobile network subscriber ang tinatawag na “mobile number portability” matapos na magawa agad ng National Telecommunications Commission (NTC) ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas ukol dito.
Sa ilalim ng Republic Act 11202 o ang “Mobile Number Portability Act” na naging batas nang pirmahan ito ni Presidente Rodrigo Duterte noong Pebrero, tinitiyak na panghabambuhay na ang mobile phone number ng isang subscriber kahit magpalit pa siya ng network o mag-postpaid mula prepaid o vice versa at wala itong bayad.
Katuwang ang NTC, si Eliseo M. Rio Jr. – na Department of Information and Communications Technology acting secretary bago ang pagkatalaga kay former Senator Gringo Honasan bilang bagong kalihim ng departamento noong Lunes – ang nanguna sa pagsulong ng batas sa Kongreso at Senado hanggang sa paggawa ng IRR.
Ayon kay Rio, mas isasaalang-alang na ngayon ng mga telecommunication company (telco) ang pagbibigay ng mga totoong serbisyo sa mga consumer. Game changer.
Kung hindi maganda ang nakukuhang serbisyo ng isang subscriber, makapipili na siya ngayon ng ibang telco na tunay na pagseserbisyuhan siya.
Dahil dito, mas sisigla ang kompetisyon ng mga telco at siguradong magbebenepisyo tayo ritong mga Filipino.
Bukod sa pangmatagalan na ang kani-kanilang mobile phone number, wala na ring extra charge kung tatawag o magte-text ang mga subscriber sa ibang network.
Noong nakaraang taon, nasa 74.1 milyon ang subscriber base ng Globe habang nasa 60.5 milyon naman ang tumatangkilik sa Smart, Sun, at TNT na nabibilang sa PLDT Group.
Dahil talaga namang good job para sa sambayanang Filipino, pinapurihan ni Senador Sherwin Gatchali-an si Rio at ang NTC sa kanilang inilabas na IRR.
“In keeping with this spirit, I believe that the NTC was able to draft a consumer-friendly implementing rules and regulations, especially in specifying the prerequisites for porting, and the terms of the time periods for cutover and the porting process itself, among others,’’ ani Gatchalian na chairman ng Senate Committee on Economic Affairs na tumutok sa deliberasyon at konsultasyon nang dinidinig pa lamang ang “Mobile Number Portability Bill.”