SUBIC BAY – Winalis ng Team Philippines na binubuo ng student-athletes mula sa Ormoc City ang lahat ng tatlong gold medals na nakataya sa unang araw ng 30th Southeast Asian Games modern pentathlon test event sa Boardwalk dito.
Kinuha ni 17-year-old Princess Abilon ang dalawang gold medals makaraang gapiin ng Team Philippines ang mga kalahok mula sa Thailand, at matapos na madominahan niya ang women’s individual at tulungan ang two-member mixed relay squad sa unang puwesto.
“I just stayed focused,” wika ni Abilon, estudyante sa Ormoc City Regional Sports Academy.
Sa pagkumpleto sa laser-run event, tinapos ni Abilon ang women’s individual course sa loob ng 12 minutes at 3.9 seconds.
Tinalo ni Abilon sina Ivy Dino, na nagkasya sa silver medal sa 13:11.87, at Shira Mae Aranzado na kinuha ang bronze sa 13:17.35.
Kasama si teammate Samuel German, pinangunahan nila ang mixed relay sa 10:39.85, habang pumangalawa ang duo nina Dinoy at Michael Comaling sa 11:07.66.
Nadominahan ni Comaling, na nasa kanyang ikalawang international stint, ang men’s individual event upang magtapos na may isang gold at isang silver.
Naorasan ang 19-anyos na si Comaling ng 10:11.59, 27 minutes ang angat kay second placer Alne Tonada. CLYDE MARIANO