(Pinasesertipikahang ‘urgent’ kay PBBM)2-YEAR EXTENSION NG ESTATE TAX AMNESTY

Tax

UPANG mabigyan ng sapat na panahon ang mga taxpayer na mabayaran ang kanilang buwis sa pamahalaan at makabangon mula sa mabigat na epekto ng pandemya, isinusulong ng dalawang ranking members ng Kamara na mapalawig pa ang pagpapatupad ng Estate Tax Amnesty.

Hirit ni Deputy Speaker at Batangas 6th Dist. Rep. Ralph Recto, masertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang urgent bill’ upang matiyak at mapabilis ang pag-apruba sa panukalang i-extend pa ng dalawang taon ang nasabing tax relief program.

Inihain naman ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang House Bill No. 7842, na naglalayong gawin na lamang sa Hunyo 14, 2025 ang deadline sa pagbabayad ng Estate Tax sa pamamagitan ng pagrebisa sa Republic Act No. 11569, na nag-amyenda sa nilalaman ng Republic Act (RA) No. 11213 o ang “Tax Amnesty Act”, na magtatapos sa Hunyo 14 ngayong taon.

“Undeniably, the pandemic significantly reduced the country’s economic activities. Numerous lockdowns and community quarantines led to the closure of businesses and unemployment. These severely affected the capacity of the people to settle their estate taxes due to lack of money and resources,” pagbibigay-diin ni Lee.

“With the impact of the pandemic and the high inflation rate that we still face, it is incumbent upon the government to address and lessen the taxpayer’s current burden,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Lee na sa pamamagitan ng kanyang HB 7842, ang taxpayers na nasa proseso ng pagbawi mula sa pagkalugi o sa epekto ng mataas na inflation ay binibigyan ng karagdagang pagkakataon at proteksiyon na magbayad ng buwis ng kanilang ari-arian, kabilang ang mga increment at karagdagan sa ilalim ng National Internal Revenue Code.

Giit pa ng mambabatas, ang mga nagbabayad ng buwis ay dapat ding maging immune mula sa anumang kaugnay na sibil, kriminal, at administratibong parusa.

Sa panig ni Recto, naniniwala siya na kung madudugtungan ang implementasyon ng nasabing amnestiya, ang mga mamamayan ay makatitipid ng bilyong halaga ng bayarin at bilyon-bilyon din na koleksiyon o kita naman sa gobyerno.

Aniya, nagkataong tumama ang pandemya nang ipatupad ang Tax Amnesty Act at nang amyendahan ito ng RA 11569 kung saan sa Hunyo 14, 2023 na ito magtatapos, marami pa ring mga Pilipino ang hindi pa ganap na nakababawi mula sa pagkalugi kaya tama lamang, aniya. na i-extend pa ito.

ROMER R. BUTUYAN