(Pinasisingil sa BIR) P40-B UTANG NA BUWIS NG POGOS

POGO-7

NANAWAGAN si Senadora Risa Hontiveros sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na kolektahin ang hindi pa nababayarang buwis sa prangkisa ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) na aabot sa mahigit P40 bilyon.

Ayon kay Hontiveros,  dapat na ring paalisin sa bansa ang mga POGO matapos na pagbayarin.

“Kailangan na nilang magbayad at saka lumayas. Iba’t ibang klase ng krimen ang nakakabit sa pagpapasok ng mga POGO, mula kidnapping hanggang prostitusyon. The social costs that came along with the spike of POGOs in our country will always outweigh any revenue that the government may generate from them. Hindi natin sila kailangan,” ani Hontiveros.

Si Hontiveros, bilang chairperson ng Senate Committee on Women, ang nagbukas ng imbestigasyon tungkol sa prostitusyon at sex trafficking na nauugnay sa POGOs. Aniya, ang pagbubukas ng bansa sa POGOs ay nagpalala rin ng katiwalian sa Bureau of Immigration.

“Huwag natin kalimutan na ang pastillas scam sa BI ay nagmula sa pagpasok ng mga Chinese nationals na madalas ay POGO workers. At kahit puro pasakit na ang dala ng mga POGO sa ating bayan, hindi pa makabayad ng tax nang tama. Kailangan makolekta na ng BIR ang utang nila para magamit pa iyan sa mga proyektong para sa mga Filipino. Ngayon pa’t kaliwa’t kanang Filipino ang nawawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya, napakalaking tulong ng perang makokolekta diyan para masuportahan ang ating mga mamamayan,” anang senadora.

Sa interpelasyon ng Senate Bill No. 2322 na naglalayong buwisan ang mga POGO, nabulgar na may tinatayang P15.285 bilyong hindi nabayarang franchise tax ang POGO noong 2018, ayon mismo sa BIR. Noong 2019 naman ay umabot sa P14.230 bilyon ang hindi nabayarang buwis, habang noong 2020, pumalo ito sa P10.78 bilyon. Dahil dito, may kabuuang P40.295 bilyong utang sa franchise tax ang mga POGO.

Isiniwalat din na noong 2020, ininspeksiyon ng joint task force ng BIR, BI, at Department of Labor and Employment (DOLE) ang nasa 196 na tanggapan ng POGOs, kung saan may 23,000 foreign nationals at 1,632 dito ang walang Alien Employment Permits.

“I am sure there is more to this number of over 1,000 illegal POGO workers. Hindi na panibagong balita na may mga ilegal na POGO workers. Malamang, sila rin itong mga kasali sa mga krimen laban sa ating sariling mamamayan. Kapag hindi sila dokumentado, mas malakas ang loob nilang maghasik ng lagim sa ating lipunan,” ani Hontiveros.

“Paghusayan pa sana ng joint task force ng BIR, DOLE, at BI ang pag-a-update at pagbibigay ng datos sa bilang ng mga ilegal na manggagawa sa POGO. Kung hindi natin alam kung sino ang mga ilegal, paano rin natin malalaman kung sino ang mapapanagot? Hindi natin kailangan ang mga POGO at mas lalong hindi natin kailangan ang mga ilegal na POGO. At the end of the day, I remain resolute in my position that POGOs should pay up and ship out,” dagdag ni Hontiveros. VICKY CERVALES

3 thoughts on “(Pinasisingil sa BIR) P40-B UTANG NA BUWIS NG POGOS”

  1. Hey there would you mіnd sharing which blog
    platfoгm you’re usіng? I’m going to start my оwn blog soon but I’m having a tough time chоosing betwеen BlogEngine/Wordpress/B2evolution and Drupal.
    The reason I ask is becaᥙse your layout seems different then most blogs and I’m
    looking for something սniqᥙe. P.S My apolⲟgies for getting ߋff-toρic bսt I haⅾ
    to ask!

Comments are closed.