ISINUSULONG ng Department of Transportation (DOTr) ang pagtataas sa capacity ng mga traveler na darating sa bansa, partikular ang mga uuwing Pinoy.
Ayon kay Transportation Secretary Arthur Tugade, ang karagdagang inbound flight capacity ay ipiprisinta sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) sa Miyerkoles.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Tugade na ang inbound travelers ay may limit na 2,000 at kung tataasan ito, ang plano ay ang buksan ang mas maramlng gateways sa iba pang rehiyon.
“Alam ninyo, ‘yung capacity ngayon mga 2,000 yata ‘yan. Kung lahat ‘yan darating lang sa NAIA at darating lang sa Clark, kaunti sa Clark tapos kaunti sa Cebu, mabubulunan po sila,” sabi ni Tugade sa virtual Pandesal Forum.
“Kaya nga ba’t sinasabi ko, kung itataas natin ‘yung capacity from 2,000 to say 3,000, kailangan dagdagan din natin ‘yung tinatawag na gateways. ‘Wag mong i-limit lang sa NAIA ‘yan,” aniya.
Sinabi pa ng kalihim na inatasan na rin niya ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa posibleng pagbubukas ng regional airports sa international flights.
“Habang lumalaki at nagdadagdag ka ng gateways, ‘yung ekonomiya ng local will also be helped kasi nadiyadiyaan ‘yung restaurant, ‘yung hotel. Kaya nga ba sinisipat din ‘yan,” dagdag pa niya.
Comments are closed.