(Pinatitiyak ng LTO) ROAD SAFETY MEASURES SA PAGBUBUKAS NG KLASE

DAHILAN sa nakatakdang pagbubukas ng mga klase, inatasan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga Regional Officer na tiyakin na ang lahat ng road safety measures ay nakapwesto na.

Sa isang memorandum na inilabas, inatasan ni LTO chief Vigor Mendoza ang lahat ng Regional Directors at iba pang opisyal na makipag-ugnayan at magbigay ng kinakailangang suporta sa local government units (LGUs) at Department of Education (DepEd) base sa kanilang jurisdictions.

Idinagdag pa ni Mendoza na ang mga tauhan ng LTO ay dapat tumulong sa pangangasiwa ng mga sitwasyon sa trapiko sa mga paaralan sa lansangan at maging sa traffic chokepoints.

Iniutos din ni Mendoza sa mga field officer ng LTO na bantayan ang mga overloaded, unregistered at colorum school service vehicles gayundin ang pagsasagawa ng verification ng drivers’ licenses at motor vehicle registrations.

Ayon kay Mendoza, tatakbo ang Oplan Balik Eskwela 2023 hanggang Setyembre 8.

Aniya, magpapakalat ag LTO ng karagdagang tauhan sa mga paaralang malaki ang populasyon, kabilang ang Batasan Hills National School, Pres. Corazon C. Aquino Elementary School at Bagong

Silangan Elementary School, lahat sa Quezon City, at ang Dr. Alejandro Albert Elementary School sa Sampaloc, Manila.

Nanawagan din si Mendoza sa publiko na sumunod sa traffic rules and regulations at sundin ang instructions ng law enforcers sa kalsada. EVELYN GARCIA