HINILING ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Department of Health (DOH) na maghanap ng mapagkukunan ng pondo para sa pag-hire ng dagdag na health care workers sa mga pampublikong ospital sa bansa.
Kaugnay ito ng pagkakasakit na rin ng mga medical frontliner ng COVID-19 bunsod ng Omicron variant.
Ito, aniya, ang kanyang naobserbahan sa kanilang mga pagamutan sa ikalawang distrito ng Albay kung saan kinukulang na rin sila ng health care workers na titingin sa mga pasyente dahil sila mismo ay nagkakasakit na at kailangang lumiban ng ilang araw sa trabaho.
Giit ni Salceda na dapat humanap na ngayon ng funding sources ang DOH upang makapag-hire agad ng mga health care worker sakaling lahat ng mga personnel ay kailanganing mag-isolate.
Dagdag pa ng mambabatas, ang concern ngayon ay tiyaking ang mga ospital sa bansa ay kayang asikasuhin ang mga kababayang may ibang sakit at nangangailangan ng medikal na pangangalaga.
Bukod dito ay pinaglalabas din ni Salceda ang DOH ng guidelines at protocols upang matiyak na may sapat na health personnel ang mga ospital. CONDE BATAC