(Pinatutugis sa mga awtoridad) GLOBAL CRIME SYNDICATES SA SPAM TEXTS

win Gatchalian

INUDYUKAN ni Senador Win Gatchalian ang mga awtoridad na makipagtulungan sa mga organisasyon at institusyong tumutugon sa international cybersecurity upang masawata ang operasyon sa bansa ng mga dayuhang cyber criminal.

Ang panawagang ito ni Gatchalian ay kasunod ng pahayag ng National Privacy Commission (NPC) na kagagawan ng mga dayuhang sindikato ang malawakang spam text messages na nag-aalok ng mga pekeng trabaho na mayroon umanong malaking sahod at komisyon.

“Matinding pagsasaliksik ang dapat isagawa ng mga awtoridad sa bagay na ito upang malantad kung sino talaga ang may pakana ng smishing activities at para mapigilan na rin ang pagpapatuloy ng ganitong mga paraan ng panloloko na nakapambiktima na ng maraming inosenteng mobile subscribers,” aniya.

Hinimok ni Gatchalian ang Department of Information and Communications Technology (DICT), National Bureau of Investigation (NBI) cybercrime division at ang Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa mga international cybersecurity agencies upang matunton ang mga cyber criminal.

Mismong si Gatchalian ay nakatatanggap ng spam texts na nag-aalok ng mga pekeng trabaho.

Hinikayat din ni Gatchalian ang NPC at ang National Telecommunications Commission (NTC) na siyasatin ang natuklasan ng tech expert na si Art Samaniego na ibinahagi niya sa isang panayam sa DZMM ukol sa isang Chinese website na maaaring isa sa may pakana ng nasabing spam texts.

“Baka makatulong itong impormasyon na ibinahagi kung papaano natin masasawata ang mga gawaing ito na batay sa inisyal na imbestigasyon ng NPC ay kagagawan ng mga global crime syndicates,” anang senador.

Ibinahagi rin ni Gatchalian na inurirat ng ilan niyang empleyado ang alok na trabaho noong makatanggap sila ng text spam at napansin nila na walang kakayahang makipag-usap sa Pilipino ang ka-text na nag-aalok ng trabaho.

Si Gatchalian ay isa sa mga nagsusulong ng pagsasabatas ng Senate Bill No. 176 o ang Subscriber Identity Module (SIM) Card Registration Act na nag-oobliga sa rehistrasyon ng SIM cards upang matunton ang mga kawatan na gumagamit ng prepaid SIM cards para maisagawa ang kanilang mga ilegal na mga gawain.

“Dapat tingnan din ng NPC itong bagay na ito kung paano dapat bantayan ang mga kumukuha ng mga personal information natin,” dagdag ni Gatchalian. VICKY CERVALES