(Pinatutugis sa mga awtoridad) IMPORTERS SA VEGETABLE SMUGGLING

PAIIMBESTIGAHAN ni Senadora Imee Marcos ang posibleng sabotahe sa ekonomiya ng hindi napapanahon at sobra-sobrang importasyon ng mga gulay mula China habang ang mga gulay ng mga lokal na magsasaka sa Benguet at iba pang taniman sa Cordillera ay patuloy na nabubulok.

Ihahain ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, ang isang resolution para tugisin ang mga importer at mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa agricultural smuggling.

“Wala tayong kadala-dala, nangyari na ito noong 2020, at nabigyan na ang DA ng Kadiwa trucks, tauhan at pambili ng gulay at baboy. Bakit ayaw pa rin ng DA bumili sa Pilipino? Bakit puro imported ang pinapaboran nila? Totoo nga bang nagpalit na sila ng pangalan sa Department of Importation, imbes na Agriculture?”

“Bugbog na ang mga local farmer sa pandemya at sa utang, hindi pa nabibili ang kanilang mga ani. Nabubulok at itinatapon na lang ang mga gulay na dapat sana ay mapakinabangan sa Metro Manila, kung naagapan lang ng DA,” dagdag pa ni Marcos.

Ang pagpupuslit ng mga produktong pang-agrikultura sa bansa ay isang uri ng pananabotahe sa ekonomiya at may katapat na kaparusahan sa ilalim ng Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016, o Republic Act 10845, banggit pa ni Marcos.

Sa harap ng kawalan ng mga bumibili sa mga lokal na magsasaka at ng pagkabulok ng kanilang ani dahil sa mga restriksyon sa quarantine, nakakumpiska ang BOC ng nasa Php4.7 million na mga imported na  repolyo, carrot, brocolli at iba pang gulay sa isang raid noong Huwebes sa Divisoria at iba pang parte ng Tondo, Manila.

Samantala, nasa walong metriko toneladang kamatis mula Ifugao ang itinapon na lang, ibinenta nang palugi sa mga hog at duck raisers, o ibinalik na lang sa kanilang mga taniman dahil hindi man lang ito binibigyang pansin ng DA.

“Kailangang kumain ng maraming lokal na gulay ang DA at walang kasusta-sustansiya ang pamamalakad nito. Bakit hindi tuloy-tuloy ang pag-andar ng mga Kadiwa centers at ginagawang panakip-butas lang pag andiyan na ang problema?” ayon kay Marcos.

“Ang pagbibigay proteksiyon sa ating mga lokal na mga magsasaka ang solusyon sa pangmatagalang pambansang seguridad sa pagkain at hinid importasyon ng mga produktong pang-agrikultura, kahit pa legal ito,” giit pa ni Marcos. VICKY CERVALES

134 thoughts on “(Pinatutugis sa mga awtoridad) IMPORTERS SA VEGETABLE SMUGGLING”

Comments are closed.