NAGBABALA si Senadora Imee Marcos na magkaka- roon ng limitadong tagumpay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa kampanya nito kontra fish smuggling kung hindi nito mapapansin ang mga online seller.
Sa harap ito ng babala ng BFAR na sisimulan na nilang mangumpiska ng mga imported na isdang bawal ibenta sa mga palengke at grocery sa Disyembre 4 hanggang Pebrero ng susunod na taon.
Giit ni Marcos, nag-isyu na ng warning at palugit ang attached agency ng Department of Agriculture (DA) sa mga palengke at supermarket.
“Ang mga smuggler na nagbebenta online ay mas tuso kaysa BFAR. Sa lumalawak na digital world, hindi lang mga palengke at supermarket ang nagbebenta ng mga puslit na mga isda at seafood,” diin ni Marcos.
Paliwanag ng senadora, sinasamantala ng foreign commercial fishing boats ang closed fishing season sa Pilipinas mula nitong Nobyembre hanggang Pebrero ng susunod na taon para ibenta ang kanilang nahuhuling isda sa mapagsamantalang traders.
“Hindi idinideklara ng mga trader ang kanilang mga inangkat na para sana sa industrial use, pero sa huli, ibinibebenta nila itong tingi-tingi sa mga palengke sa pamamagian ng mga kilalang online shopping platforms,” pagsisiwalat pa ni Marcos.
Nitong linggo lang, nabuko ng BFAR ang bentahan ng mga frozen imported salmon, pampano at pusit sa Commonwealth Market sa Quezon City at ibinebenta rin ito sa online.
Ang tanging binigyang awtorisasyon ng DA para sa limitadong importasyon sa panahon ng closed-fishing season ay ang mga galunggong, matang baka, mackerel, bonito at moonfish .
“Ang nakakalungkot lang, posibleng ang mga ipinupuslit na isda ay maaaring sa ating karagatan rin nanggaling. Ito ang sumisira sa pagpapatupad ng seasonal fishing ban na nagbibigay-daan sana para mangitlog at magparami ang naturang mga isda sa ating karagatan”, dagdag pa ni Marcos.
VICKY CERVALES