(Pinatututukan sa Kamara, DOT) EPEKTO NG NCOV SA TURISMO

Secretary Alan Peter Cayetano

PINAKIKILOS ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang Kamara para tulungan ang Department of Tourism (DOT) na maglatag ng contingency plan upang maiwasan ang negati­bong epekto ng 2019 Novel Coronavirus sa turismo ng bansa.

Inatasan na ni Cayetano ang House Committee on Tourism at House Committee on Economic Affairs na ma­kipag-ugnayan sa DOT upang alamin ang short at medium-term effects ng nCoV sa tourism at travel industry sa Filipinas.

Ayon kay Cayetano, nais tiyakin ng Kamara na hindi maaantala ang paglakas ng turismo sa bansa sa mga susunod na buwan.

“We acknowledge the necessity of the decision of some airlines to cancel flights and the government’s imposition of a temporary travel ban from Hubei, China and other provinces of China that are seriously affected by the dreaded 2019-nCoV, but we still have to prepare a plan to lessen its impact,” aniya.

Tinukoy ni Cayetano ang ginawa ng Tourism Arts and Culture Ministry ng Malaysia na bumuo ng Tourism Recovery Committee na siyang titiyak sa safety at comfort ng mga turista na sasailalim sa health screening.

Batay sa record ng DOT, sa 7.4 million na international tourist arrivals sa bansa mula January hanggang November 2019, 1.63 million dito ay mga Chinese kung saan pangalawa rin ito sa tourist spenders sa Filipinas na aabot sa $979.4 million o P51 billion noong nakaraang taon.

Ang pansamantalang travel ban sa mga lugar na apektado ng nCoV sa China ay siguradong malaki ang magiging epekto sa ekonomiya hindi lamang sa bansa kundi sa buong Asya.

“The government must pool its resources to prevent this public health issue from becoming an economic crisis,” anang Speaker.

Hanggang kahapon ay may dalawang kumpirmadong kaso ng 2019 nCoV sa bansa.

May kabuuang  80 pas­yente ang itinuturing na persons under investigation (PIU) para sa nCoV sa bansa, 67 sa kanila ay kasalukuyang naka-confine sa mga ospital habang 10 ang na-discharge na. CONDE BATAC

Comments are closed.