UMAPELA si House Committee on Health Vice Chairperson at Anakalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa Department of Health (DOH) na bigyang prayoridad ang unemployed at inactive registered nurses sa pagkuha nito ng mga medical staff.
“Marami po tayong nurses, board passers, na naghahanap ng trabaho.
‘Di ba dapat unahin natin ang mga licensed nurses bago bigyan ng pagkakataon ang mga hindi pa nakakapasa ng board exams?” sabi ni Reyes.
Ginawa ni Reyes ang pahayag bilang reaksiyon sa naging mungkahi ni newly-appointed DOH Secretary Dr. Teodoro Herbosa na bigyan ng temporary license ang mga nursing board exam takers na nakakuha lamang ng 70% hanggang 74% average para mapunan ang pangangailangan sa nursing personnel partikular sa iba’t ibang government health institutions.
Giit ng mambabatas, mas mainam na magsagawa ng pag-aaral o pag-analisa ang DOH kung bakit maraming nursing board passers ang mas piniling maging inactive at magtrabaho na labas sa kanilang dapat na maging propesyon.
“Sobrang nakakalungkot na ayon sa PRC, 53.55 percent lang ng nursing board passers ang active at nagpapractice ng nursing profession. Kailangang malaman natin kung bakit halos kalahati ng ating mga licensed nurses ang ayaw na maging nurse,” ani Reyes.
Kaya naman binigyang-diin ng House panel vice chairperson ang kahalagahan na agarang maaprubahan ang inihain niyang House Bill (HB) No. 6631, na nagsusulong sa pagpapatupad ng scholarship and return service program sa mga nursing student.
“Under the bill, a student will be required to serve one and a half years for every academic year of scholarship availed, in his or her province or municipality hospital or provider as determined by the local government unit (LGU) and confirmed by the Department of Health (DOH),” paliwanag ni Reyes sa kanyang proposed measure.
“Through this pro- posed measure, we hope to help deserving students while also ensuring an adequate supply of nurses in the country,” dagdag pa ng kongresista
-ROMER R. BUTUYAN