MATAPOS ang Asian Women’s Softball Championship na ginanap sa Clark International Sports Complex sa Pampanga, muli na namang mapapalaban ang mga Pinay sa 2018 Women’s Softball World Championship sa Agosto sa Chiba, Japan.
Ayon kay Amateur Softball Association of the Philippines (Asaphil) General Manager Ismael ‘Jun’ Veloso, ang torneo ay magsisilbing tune-up game para sa Asian Games na idaraos sa Indonesia sa Agosto. Huling nilaro ang Asian Games sa Incheon, South Korea, apat na taon na ang nakararaan.
Kilala sa pangalang Blu Girls at pumang-apat sa Asian Women’s Softball Championship sa likod ng Japan, Chinese Taipei at China, ang mga Pinay ay makikipagsabayan sa mga bigating kalaban sa mundo sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez.
May 16 koponan, apat sa Asia, kasama ang Pinas, ang kalahok sa nasabing paligsahan na magsisilbing qualifying sa 2020 Tokyo Olympics.
Ang dalawa pang torneo na lalahukan ng mga Pinay ay ang Asia-Oceania at ang Open Tournament.
Inamin ni Veloso na mabigat ang pagdaraanan ng Blu Girls dahil world-class ang kumpetisyon.
“Our players have to train hard and refine their skills because the Asian Games and the World Softball are highly competitive,” sabi ni Veloso.
Ang koponan ay pinalakas ng walong Filipino-American players na naglaro sa World Softball sa United States at Canada – Chelsea Suitos, Sky Ellazar, Garie Blando, Reese Guevara, Kayla Joyce, Kailee Guico, Dani Gilmore at Hailey Decker.
Si Suitos, 25, ay anak ng isang taga-Baguio at nag-aral sa University of California sa Los Angeles. CLYDE MARIANO
Comments are closed.