PINADAPA ng Philippine women’s team ang 15th seed Spain, 3-1, upang sumalo sa 13th place matapos ang anim na rounds sa 43rd World Chess Olympiad sa Batumi, Georgia noong Linggo ng gabi.
Ginulantang nina Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza at Woman International Master Bernadette Galas sina FM Marta Garcia Martin at WGM Monica Calzetta Ruiz sa boards 2 at 4, ayon sa pagkakasunod.
Nagkasya muna sina WGM Janelle Mae Frayna at WIM Antoinette San Diego sa fighting draws kina IM Sabrina Vega Gutierrez at IM Ana Matnadze sa first at third boards, ayon sa pagkakasunod, bago naitala nina Mendoza at Galas ang impresibong panalo.
Bunga nito ay umangat ang Filipinas na suportado ng Philippine Sports Commission, sa seven-country tie sa 13th spot mula sa pagsalo sa ika-23 puwesto na may tig-9 na match points, at makakaharap ang 14th seed Georgia 2, yumuko sa Georgia 1, 1.5-2.5, sa seventh round.
Target ng Filipinas na mahigitan ang pinakamatikas na pagtatapos ng bansa sa biennial meet na ito na 22nd place noong 1988 sa Thessaloniki, Greece.
“We’ll play the same line up we used in round six and hopefully get similar result,” pahayag ni PH women’s team coach GM Jayson Gonzales.
Samantala, bumawi ang PH men’s squad mula sa tatlong sunod na pagkatalo nang bokyain ang Jersey, 4-0, sa likod ng mga panalo nina GMs Julio Catalino Sadorra at John Paul Gomez at IMs Jan Emmanuel Garcia at Haridas Pascua upang makisalo sa 77th spot na may 6 points mula sa pagsosyo sa 101st placed.
Comments are closed.