SAUDI ARABIA – Humingi ng tulong ang kaanak ng isang overseas Filipino worker (OFW) na umano’y sinaktan, inabuso ng sekswal at umano’y ibinugaw pa.
Sa hinaing ng kaanak ng hindi pinangalanang Pinay domestic helper, sinabi nito na binubugbog ng amo, ilang ulit nang ibinenta at pinagsamantalahan pa ng kaniyang agent.
Ang video ng 38-anyos na biktima ay naisapubliko ng isang TV network at nais na masagip ito.
Ang biktima na may tatlong anak ay noon lamang 2017 namasukan sa nasabing bansa.
Kuwento pa ng biktima, sa loob ng halos tatlong taon sa Saudi ay marami na siyang naging amo habang kinukulong aniya siya.
Isinalaysay rin nito na sa kapatid niya na pinagsasamantalahan siya ng mismong agent niya sa Saudi sa tuwing isusuko siya ng employer sa kaniyang recruitment agency.
Matapos nito, ibebenta ulit siya sa ibang employer.
Dagdag pa ng OFW, ikinukulong din siya at hindi pinapakain kung minsan.
Lumapit na rin ang mga kamag-anak ng biktima a sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno, kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Tiniyak naman ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na iko-coordinate nila sa Philippine Labor Office at sa welfare officer on the ground para matulungan ang biktima. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.