PINAY DH NA IPINAKULONG SA PAGNANAKAW BINUGBOG SA SELDA

kuwait

KUWAIT – SINAKLOLOHAN ng Philippine Embassy ang Filipino domestic helper na binugbog umano ng kanyang employer na Kuwaiti nang ipakulong ito dahil sa pagnanakaw ng kaniyang alahas.

Sinabi ng mga  kaanak ng OFW na si Juvy Bermejo ng Barangay Dulangan, Capiz, ang mga tauhan ng Philippine Embassy ang sumundo  kay Bermejo sa kulungan at hiniling na isailalim na lamang siya sa kanilang kustodiya.

Napag-alamang hindi rin naman sinampahan ng kaso ng kanyang employer si Bermejo.

Subalit, nagtamo ng mga pasa sa katawan ang Pinay matapos umanong pahirapan ng  awtoridad sa Kuwait at pilit na pinaamin sa akusasyon ng employer.

Nauna nang iginiit ni Bermejo sa kanyang mga kaanak na hindi niya ginawa ang bintang sa kanya ng nasabing employer.

Ngunit, napilitan umanong aminin ng OFW ang krimeng hindi nito nagawa dahil sa pananakit ng  awtoridad.   CAMILLE BOLOS

Comments are closed.