SAUDI ARABIA – ANG paglaslas sa pulso ang naisip na paraan ng overseas Filipino worker (OFW) na si Jinky, ‘di tunay na pangalan, para takasan ang amo nito sa Jeddah.6
Ang dahilan ni Jinky sa pagtakas ay dahil minomolestiya siya ng manugang ng kanyang amo.
Ayon sa report, nasa kustodiya na ng Philippine authorities ang biktima at inamin na ginawa lamang niya ang paglalaslas ay upang makaalis dahil ayaw naman siyang paniwalaan na siya ay hinalay.
“Hindi ko na makayanan, kung ano-ano na ang naiisip ko. Gustong-gusto ko nang makatakas sa bahay na ‘yun. Ang tanging paraan lang para makaalis sa bahay na ‘yun ay maglaslas ako,” pahayag ni Jinky sa isang giant network.
Nabatid na apat na buwan pa lamang nagtatrabaho sa Saudi Arabia si Jinky nang maganap ang panghahalay sa kanya nang ang kanyang amo ay isinama siyang manatili sa bahay ng manugang nito.
Hindi naman umano siya makatakas noon dahil ikinandado ang lahat ng pintuan ng bahay.
Nakiusap si Jinky na ibalik na lamang siya sa agency subalit dapat umanong magbayad siya ng 40,000 SAR.
Nang hindi pansinin ang kanyang hunger strike ay naglaslas na lamang siya ng pulso. PILIPINO Mirror Reportorial Team
Comments are closed.