UAE – ISANG Pinay na household service worker sa Dubai ang iniulat na namatay dahil sa coronavirus.
Mismong si Labor Secretary Silvestre Bello III ang kumumpirma ng naturang ulat na natanggap niya mula sa Labor Attache ng Filipinas sa naturang bansa.
Ayon kay Bello, ang Pinay, na 28-anyos lamang ay binawian umano ng buhay noong Pebrero 1 dahil sa nasabing virus.
Una umanong sinabi na hindi ito coronavirus ngunit malaunan ay nakumpirmang ito nga ang ikinamatay ng overseas Filipino worker.
“Initially sabi hindi corona virus. Nung February 1 sabi negative. Noong Pebrero 2 corona virus nga,” ani Bello.
Hindi naman malinaw kung 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD) ang ikinamatay ng OFW na nakatakda rin aniyang i-cremate bago iuwi sa Filipinas.
Tiniyak naman ni Bello na tutulungan ng gobyerno ang kapatid at anak ng nasabing OFW para makapunta sa Dubai at makita ang kanilang nasawing kamag-anak. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.