SA IPINALABAS na report ng Grant Thornton International nitong nakaraang Pebrero sa kanilang 2021 Women in Business report, lumabas na nangunguna ang Filipinas, kung saan 48 porsiyento ng mga Filipinang isinailalim sa survey ay humahawak ng matataas na posisyon sa kani-kanilang tanggapan. Karamihan sa mga ito ay nasa senior management positions.
Sa report na ‘yan, muling pinatunayan ng Filipinas ang malawak na pagpapahalaga nito sa kakayahan at galing ng kababaihan. Tayo ang nangunguna sa buong globa na may mataas na pagkilala sa kanila.
Katunayan, nang magsimulang magpalabas ng taunang Global Gender Gap Index noong 2006 ang World Economic Forum (WEF), madalas na nasa mataas na estado ang Filipinas sa usapin ng women’s economic participation and opportunity, gayundin sa usapin sa educational attainment, health and survival at political empowerment.
Nitong 2020, nasa ika-16 sa kabuuang 153 bansa ang Filipinas sa naturang usapin, na naging daan upang tayo ang manguna sa buong Asia sa gender equality sa larangan ng kalakalan.
Sa kabila ng tagumpay ng kababaihan sa aspetong ito, hindi pa rin masasabing tuluyan nang nabura ang societal prejudice against women sa bansa. Marami pa rin sa kanila ang patuloy na nahaharap sa disadvantages and vulnerabilities.
Ngayong pandemya, base sa ipinalabas na survey ng Social Weather Stations na kinomisyon ng Commission on Population and Development (POPCOM), napag-alamang tumaas ang bilang ng mga kababaihang dumanas ng kaharahasan sa iba’t ibang paraan.
Nanguna sa mga karahasang ito ang physical, sexual at emotional abuse na dinaranas ng isa sa kada apat na respondent ng naturang survey.
Isa pa sa negatibong pinagdaraanan ngayon ng kababaihan sa bansa ay ang pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy. Dalawa sa bawat tatlong survey respondents ang nagsabing ang teenage pregnancy ang pinakamatinding problema ngayon ng kababaihan.
Maging ang United Nations Population Fund ay nagsabing maaaring umabot sa 2.56 milyon ang unintended pregnancies noong 2020 pa lamang.
Sa isang survey naman ng Plan International noong Nobyembre 2020, lumabas na 70 percent sa kabuuang 1,203 female respondents ang nagsabing lubhang naapektuhan ng pandemya ng COVID-19 ang kanilang pag-aaral. Umaabot naman sa 50 porsiyento ng kabuuang bilang na ito ang nangangamba kung makababalik pa sila sa pag-aaral o hindi na.
Bukod sa edukasyon, nasa panganib din ngayon ang sitwasyon ng kababaihan sa kanilang propesyon dahil sa pandemya. Sa kasalukuyan, 64 percent ang mga nawalang trabaho sa Kalakhang Maynila at karamihan sa mga naapektuhan ay women employees. Ang ilan sa kanila ay nawalan ng trabaho at ang iba naman ay napilitang manatili sa tahanan upang tumutok sa kanilang pamilya at mga anak.
Base naman sa isang June 2020 survey ng Oxfam International, 50 porsiyento ng women respondents sa bansa mula sa mahihirap na pamilya at komunidad na nagtratrabaho bilang local domestic workers ang hindi na nabayaran sa kanilang serbisyo dahil na rin sa mga restriksiyong dulot ng COVID-19.
Sa mga pangyayaring ito, masasabi natin – gaano man kapopular ang bansa pagdating sa women empowerment sa aspeto ng kalakalan, hindi pa rin natin masasabing tapos na ang laban para sa kanilang kapakanan.
Dahil sa pandemyang ito, maraming kababaihan ang dumaan at patuloy na dumaraan sa mga pagsubok.
Sa kabila nito, naniniwala tayo na matapos lamang ang trahedyang dinaranas ng buong mundo, mas lalo pang aarangkada ang ating kababaihan at ipagpapatuloy ang kanilang nasimulan.
128485 426403I take wonderful pleasure in reading articles with quality content material. This post is 1 such writing that I can appreciate. Keep up the very good function. 781661