HINDI nagsawa ang isa sa mga Idol ng TESDA na ialay ang kanyang career sa tech-voc dumating man ang mas magagandang oportunidad para sa kanya.
Laking Malita, Davao Occidental si Rizalie Salvacion na pinilit makapag-aral ng kolehiyo noon sa kabila ng hirap na dinaranas ng kanilang pamilya.
Kumuha siya ng scholarship sa Polytechnic School of Southern Philippines sa Davao City at matagumpay na natapos ang kursong Hotel and Restaurant Management (HRM).
At dahil dati na siyang naging On-the-Job-Trainee ng Intercontinental Hotels sa nasabing lungsod, dito na rin siya nakapagtrabaho bilang isang receptionist.
Dahil sa taglay na galing, inimbitahan siya ng Polytechnic School of Southern Philippines na magturo, dahilan para siya ay maging teacher sa araw at receptionist naman sa gabi.
Pinaaral niya rin ang kanyang mga kapatid hanggang sa makapagtapos ang mga ito.
Lalo pang naging kilala si Rizalie dahil palagi nananalo sa mga skills competition ang mga eskwelahan na kanyang nililipatan.
Taong 2012 nang makasilip ng mas magandang oportunidad si Rizalie sa ibang bansa kung saan ay nakapagtrabaho ito bilang Tourism Expert/Quality Assurance Officer sa Addis Ababa, Africa.
Makalipas ang apat na taon, umuwi siya sa Davao at muling nagturo ng HRM sa Rizal memorial Colleges.
Dito na natutunan ni Rizalie na mas mahalin pa ang tech-voc sa pamamagitan ng pagsasagawa ng community training para sa mga dating rebelde, indigenous people, at maging sa mga sundalo.
Napag-aral at nakapagtapos din ng HRM ang dalawa sa tatlo niyang anak na kasalukuyang namamahala sa kanyang pastry and catering business.
Maging ang dalawa niyang mga kapatid ay pawang nagtatrabaho bilang trainer at assessor sa TESDA.
Para kay Rizalie, ang tech-voc ay instrumento para maiangat ang kabuhayan ng isang tao.
“Sa totoo lang, ako ay isang licensed teacher pero di ko na ito nagamit dahil napamahal na ako sa tech-voc. Hindi na mahalaga kung magkano ang kinikita ko. Masarap lang kasi sa pakiramdam na maibahagi ko sa mga nangangailangan ang aking kakayahan upang sila naman ang umasenso,” wika ni Rizalie.
Naniniwala rin siya sa kahalagahan ng tech-voc para maiangat ang buhay ng bawat Filipino na nangangailangan.
“Ang tech-voc ang praktikal na paraan para maibsan ang kahirapan. Kung mayroon tayong skills, pagyamanin natin ito, at ibahagi sa iba,” dagdag pa ni Rizalie.
Comments are closed.