PINAY JUDOKA SASABAK SA CHINA

judoka

LALAHOK si Olympic hopeful, Asian Games silver medallist at Southeast Asian Games queen Filipino-Japanese Kiyomi Watanabe sa World Judo Championship sa Abril sa China.

Ayon kay Philippine Amateur Judo Association (PAJA) secretary-general Leo Panganiban, makikipagsabayan ang 20-anyos na Tokyo-based judoka sa mga katunggali na tulad niya ay hangad makapaglaro sa Olympics.

“Watanabe has to figure prominently in this tournament to keep her dream of competing in the Olympics,” sabi ni Panganiban patungkol sa anak ng isang Pinay mula sa Cebu na si Irene Sarausap.

Ang torneo na gagawin sa China ay isa sa tatlong qualifying competitions sa Olympics at kailangang maging maganda ang performance ng undisputed ruler sa SEA Games upang makasabak sa quadrennial meet.

Hindi sinabi ni Panganiban kung ilang bansa ang kalahok sa qualifying competition sa China.

Si Watanabe ay sasalang sa 63 kgs., ang division na kanyang dinomina sa SEA Games noong 2013 sa Myanmar at noong 2017 sa Malaysia.

Nasa top 16 ranking si Watanabe at kaila­ngan niyang mapanatili ito para makapaglaro sa Tokyo.

Malaki ang tsansa ng Fil-Japanes judoka na makasabak sa Olympics dahil sa angkin nitong galing, talino at malawak ang karanasan kung saan lumahok siya sa maraming international judo competitions, kabilang ang World Grandslam sa Paris, France at World Judo sa Austria at Budapest.

Si Watanabe ay kasama sa priority athletes ng Philippine Sports Commission na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.