KUNG may makasusunod man sa mga yapak ni Brazil Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ay wala itong iba kundi si Dessa delos Santos.
Sinabi ni Weightlifting Association of the Philippines vice president Elbert ‘Bong’ Atilano na ang 17-anyos na taga-Zamboanga ay may angking likas na galing sa pagbuhat tulad ng ipinamalas niya sa nakaraang Asian Youth Weightlifting na ginanap sa Japan kung saan nanalo siya ng tatlong pilak sa snatch at apat na ginto sa jerk.
“She’s strong and promising. She is another Hidilyn Diaz in the making,” sabi ni Atilano, isa ring educator at may-ari ng Zamboanga Aviation Institute of Technology.
Aniya, kung mabibigyan si Delos Santos ng mahabang foreign exposures at sapat na tulong ay malayo ang mararating nito at posibleng mapantayan o mahigitan pa ang pilak na nakuha ni Diaz.
Kamakailan ay dinomina ni Delos Santos ang kanyang weight division sa Batang Pinoy.
“Sina Diaz and Delos Santos ang medal hope in the 2020 Tokyo Olympics. The association will provide them ample assistance and foreign exposures to win an Olympic medal,” sabi pa ni Atilano.
Bukod kay Delos Santos ay binanggit din ni Atilano sina Rosegie Ramos, John Paolo Rivera, at Kristel Macrohon, bronze medalists sa Tokyo Asian Youth Weightlifting.
Nanalo si Ramos sa snatch, si Rivera sa clean and jerk at si Macrohon ay sa snatch.
Ang silver medal finish ni Diaz sa Brazil ang unang medalya ng weightlifting sa Olympics mula nang sumali noong 1948 sa London na kinatawan ni Rodrigo del Rosario. CLYDE MARIANO