PINAY, NIGERIAN TIMBOG SA DROGA

DINAKIP ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 54-anyos na Pilipina at isang 42-anyos na Nigerian matapos mahulihan ng milyon-milyong halaga ng shabu sa isinagawang controlled delivery sa Las Piñas City.

Nabatid na isang ahente ng PDEA ang nagpapanggap na delivery boy at nag-deliver sa dalawang suspek ng parcel na naglalaman ng P4 milyong halaga ng shabu.

Ayon sa PDEA, idineklarang baby bottle sterilizer at drier ang laman ng package na nanggaling ng Laos pero nang idaan ito ng NAIA-BOC sa X-ray machine ay natuklasang shabu pala ang laman.

Itinanggi ng inarestong Pilipina ang nasabing pakete na kung saan ay dalawang beses na daw siyang tumanggap ng package kapalit ng P2,000 para sa Nigerian at sa kasama nitong babae na kapwa nakilala lamang niya sa facebook.

Mariing itinanggi rin ng Nigerian na kanya ang inihatid na parcel kung saan wala raw siyang inaantay na package.

Patuloy pang iniimbestigahan ng PDEA ang kaso, hinala nila na miyembro ng sindikato ang mga suspek kung kaya’t hindi muna binanggit ang kanilang mga pangalan. VERLIN RUIZ