PINAY TUMALON MULA SA ROOF TOP PARA TAKASAN ANG AMO

SAUDI ARABIA – NAKA-CONFINE ang isang overseas Filipino worker nang tumalon ito mula sa rooftop para takasan ang abusadong amo.

Inamin ng OFW na kaya nais niyang tumakas ay natatakot siya sa kanyang buhay dahil sa mabagsik na amo.

Bukod sa sobra-sobrang trabaho, hindi umano binibigyan ng pagkain ang Pinay at kinum­piska pa ang kaniyang cellphone.

Sa video na na-upload sa internet, makikia ang Pinay, na tinakpan ang mukha, na maraming galos at pasa na palatandaan na nahulog ito mula sa mataas na lugar.

Sinasabing nakarating na rin sa kaalaman ng Philippine Overseas Labor Office at ibinahagi ang impormasyon sa Philippine Embassy sa Saudi Arabia hinggil sa sitwasyon ng hindi pinangalanang OFW.

Gayunman, nanindigan ang Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) na dapat pa ring makipag-ugnayan sa amo ng OFW at pag-usapan ang pagpapauwi sa Pinay.

“Sa pag-uwi niya, kailangan natin makuha ‘yung ibang detalye ng nangyari. Depende kasi ‘yung natapos na ang kontrata niya o hindi. Bibigyan ba siya ng exit visa ng kanyang employer o hindi,” ayon kay OWWA spokesperson Arnel Ignacio.  PILIPINO Mirror Reportorial Team