LAGING unang nakakaisip at nakahahanap ng mga kongkretong solusyon sa mga malalang problema ng bansa kaya marahil ay ginagaya at iniidolo maging ng ibang mga kandidato sa pagka-Pangulo.
Ito ang naging impresyon ni dating Antipolo Congressman Romeo Acop na isa sa mga tagapagsalita ni Partido Reporma chairman at standard bearer Panfilo Lacson, sa paglutang ng mga impormasyong kinokopya ng ibang kandidato ang plataporma at programa ng pambato ng partido sa 2022 Presidential elections.
Dahil dito, binanggit ni Acop na bukas ang kampo ng Partido Reporma sa lahat ng iba pang kandidato sa pagkapangulo ngayong Halalan 2022 na tumanggap ng katanungan mula sa ibang kandidato para madagdagan pa ang alam ng mga nangopya at nanggaya sa plataporma ni Lacson.
Panawagan niya sa ibang kandidato na umano’y nagmamarunong at nagpapanggap na may alam pero hindi nakikita ang kanilang kakulangan, “Kung mayroon po kayong mga katanungan sa mga programa ni Ping Lacson na ninakaw ninyo, huwag po kayong mahihiyang magtanong sa amin. Alam po namin ang gagawin.”
Partikular na tinukoy ni Acop ang mga plataporma na una nang iprinisenta ni Lacson bago ginaya ng ibang kandidato, tulad ng pagbuhos ng pondo sa research and development.
Gayundin ang digitization sa mga ahensiya ng pamahalaan upang masugpo ang korupsiyon at iba pang katiwalian sa mga serbisyo na dapat ay napupunta sa taumbayan lalo ngayong panahon ng pandemya; at mga hakbang para makabangon ang bansa sa problemang dala ng COVID-19 pandemic nang hindi nasasakripisyo ang kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Ayon kay Acop, mabigat na karangalan ang panggagayang ito “dahil nagsisilbing gabay, batay na rin sa mga balitang inilalabas ng ibang kandidato, ang plataporma at programa para sa bayan ng aking presidential candidate na si Ping Lacson.”
Senyales din umano ito na maging ang mga katunggali ni Lacson ay kumbinsido sa mga iniaalok niyang solusyon sa mga problema ng bansa, dahil sa hindi niya matatawarang karanasan at kakayahan.
Dagdag niya, “Hindi na bago sa aking pandinig ang pangungusap na ‘ang panggagaya ay walang ipinagkaiba sa pambobola’.” Pero sa panahon umano ngayon, sinabi pa ni Acop na mas marami na ang naniniwalang, “Ang manggagaya ay kamag-anak ng magnanakaw.”