TINIYAK ng mga organizer ng Southeast Asian Games na bawat pisong ginastos para sa hosting ng Filipinas sa biennial meet ay walang bahid ng iregularidad, maayos at sumusunod sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA).
Ayon kay Ramon Suzara, chief operating officer ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Phisgoc), mali ang ginawang pagkukumpara ni Sen. Panfilo ‘Ping’ Lacson sa paraan ng paggamit ng pondo sa SEA Games sa ginawa ni Janet Napoles sa pork barrel scandal kung saan ginamit ang mga private foundation para maisagawa ang scam
“Bawat pisong nagastos ng Phisgoc ay ginamit lahat para sa kapakanan ng ating mga atleta at para sa matagumpay na hosting ng SEA Games,” ani Suzara.
“Puwedeng bisitahin ni Senator Lacson kahit anong oras ang world-class facilities at iba pang kagamitan para sa SEA Games para makita niya mismo kung paano maayos na nagamit ang pondo ng gobyerno para sa SEA Games.”
Ginawa ni Suzara ang pahayag bilang sagot sa sinabi ni Lacson na ang paglipat ng P1.5 billion public funds sa Phisgoc na isang private foundation ay walang pinagkaiba sa pork barrel scam ni Napoles.
Bagama’t isang private foundation ang Phisgoc, 80 percent ng mga miyembro nito ay galing sa gobyerno at may sapat na representasyon ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) sa Phisgoc, dagdag pa ni Suzara.
Sinabi pa ni Suzara na nang humarap noon si Speaker Alan Peter Cayetano bilang chairman ng Phisgoc sa Senado, nakapagbigay ito ng break-down ng sinasabi ni Lacson na P1.5 billion fund.
Aniya, si Lacson din mismo ang nagsabi na tiniyak naman ni Cayetano sa mga senador na kinonsulta ang COA sa bawat hakbang na ginawa ng Phisgoc ukol sa paggamit sa pondo.
Ayon pa kay Suzara, wala namang bago sa papel ng Phisgoc sa SEA Games dahil ganito rin ang binuo ng gobyerno nang mag-host ang bansa ng SEA Games noong 2005. Ganito rin, aniya, ang ginawa ng ibang bansa na nag-host ng SEA Games.
Pinaalala rin ni Suzara kay Lacson na naantala ang pagpasa noon ng 2019 national budget, kung saan nakalatag ang pondo para sa SEA Games. Ito ang naging dahilan kung bakit nagkumahog ang Phisgoc sa paghahanda ng mga pasilidad na kailangang gastusan para sa SEA Games.
“Abril na nang mapirmahan ng Pangulo ang budget bill kaya kulang pa sa anim na buwan ang naging paghahanda ng mga pasilidad na kailangang gastusan para sa SEA Games,” ani Suzara.
Ayon pa kay Suzara, si Cayetano ang nagrekomenda sa Pangulo na ang Department of Budget and Management (DBM) ang maging procuring agency para sa SEA Games, kaya nga lamang ay kulang na sa panahon kaya kumilos na ang Phisgoc para masiguro na matutuloy ang pagsasagawa ng SEA Games sa bansa.
Dagdag pa ni Suzara, handa ang Phisgoc na humarap sa kahit anong imbestigasyon at audit ng COA para makita ng lahat kung paano naging maayos ang paggamit ng pondo para sa SEA Games.
“Maganda rin ang suhestiyon ni Albay Congressman Joey Salceda na ang Senado na ang mag-imbestiga para masiguradong walang tinatago o kinikilingan sa gagawing imbestigasyon at walang magiging whitewash,” ani Suzara.
Comments are closed.