SINO kaya itong player na ito na palipat-lipat ng team? Hindi siya nagtatagal sa pinaglalaruan niya. Sa muling pag-trade sa basket-bolista ay hindi kaya siya nagtataka kung bakit nangyayari sa kanyang career ang hindi pagtagal sa team. Mukhang KARMA ito sa player. Kasi noong nasa amateur pa lang siya ay naging dyowa niya ang anak ng isang coach.
Kalaunan, nakilala at nagkaroon ng pangalan ang player ay naghiwalay ang landas nilang dalawa. Tsika naming, si player ang nakipaghiwalay sa girl. Marahil ay ito ang dahilan kung bakit ‘di successful ang career ng basketbolista, may sinaktan kasi siya, na parang ginamit lang niya ang girlalo para makilala.
Naka-move on na ang player sa nangyari sa kanilang mag-asawa. Nagkahiwalay sila dahil nabaon sa utang ang pamilya nila dahil sa kagagawan ng babae. Nademanda pa nga ang asawa ni player dahil ‘di nakikipag-usap sa mga nautangan. Pati ang mama na walang alam sa ginagawa ng asawa ay nadamay. Hiwalay na ang player at ang asawa, kung nagkakaroon man ng communication ay dahil na lamang sa kanilang mga anak. Maganda naman ang inilalaro ni player, parang walang malaking problemang pinagdaraanan. Naka-move na talaga ang basketbolista dahil nalaman namin na may bago na siyang GF.
Laking pasasalamat ni Marc Pingris dahil kahit may injury siya ay nabigyan pa rin siya ng panibagong kontrata ng Magnolia Hotshots management. Noong last March 10 ay nadale ng ACL o anterior cruciate ligament ang basketbolista. Hindi sinasadyang nang umatake siya kay JR Quinahan ay tinamaan ito. Ang tubong-Pangasinan ay inoperahan sa tuhod. Kailangan niyang magpahinga ng 6 months para sa kanyang rehabilitation para sa pagpapalakas ng kanyang tuhod.
Ayon kay Mr. Rene Pardo, PBA Governor ng Magnolia Hotshots, same injury rin ang natamo ni Pingris noong naglalaro pa ito sa Philippine Youth team, 20 years ago. Pero ngayon ay magaling na ang injury ni Pingris at hinihintay na lang ang ‘go signal’ ng kanyang doctor para sumama sa practice ng team.
Kung ang mga player ng Magnolia ay walang pagsidlan ang kaligayahan sa pagiging kampeon sa PBA Governors’ Cup ay higit ang kanilang supporters. Last Friday ay nagkaroon ng victory party ang koponan, kasama ang kanilang fans sa SMB building sa may Ortigas, Pasig. Maaga pa lamang ay nakapila na ang mga supporter ng team para makisaya sa selebrasyon. Halos lahat ng mga manlalaro ng Hotshots ay present.
Bagama’t sa January 13 na ang opening ng 44th season ng PBA ay bibigyan muna ng one week vacation ang mga player, then balik-ensayo na sila sa Ronac gym na siyang regular na praktisan ng team.
Comments are closed.