AKSIDENTENG sumabog at nabasag ang salamin ng isang bagon ng Light Rail Transit (LRT 1) makaraang piliting buksan ito ng isang pasahero kung saan matinding nasugatan ang iba sa UN Station sa Taft Avenue, Manila.
Mabilis ring rumesponde ang mga volunteer ng Philippine Red Cross upang lapatan ng paunang lunas ang mga nasugatang pasahero dahil sa tinamong minor injury.
Batay sa inisyal na ulat ni LRT 1 Corporate Communication Officer Sweeden Ramirez, ganap na alas-2 ng hapon nang maganap ang insidente at base sa ibinigay na impormasyon ng UN Station southbound lane security, may isang pasahero aniya na pilit binubuksan ang salamin ng bagon.
Aniya, sa lakas ng pressure ng hangin bunsod ng tumatakbong bagon ng LRT ay sumabog ang salamin dahilan para masugatan ang ilang pasaherong sakay nito.
Mayroon naman aniyang aircon ang bagon ng LRT kaya ipinagtataka ng pamunuan nito kung bakit kinailangang sapilitang buksan ng pasahero ang bintana habang tumatakbo ang bagon pa-southbound.
Pansamantala ring itinigil ang operasyon ng LRT 1 dahil sa insidente at upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Kaugnay nito, nagpaalala si Ramirez sa mga commuter na huwag tangkaing buksan ang mga bintana ng mga bagon ng LRT upang hindi magdulot ng kapahamakan sa mga sakay na pasahero. PAUL ROLDAN