RAMDAM na ramdam na talaga ang diwa ng Pasko ngayon sabayan pa ng malamig na simoy na hangin sa gabi.
Mga nagliliwanag na parol at patay-sinding Christmas lights.
Pero may isang agaw-pansin sa mga pasahero kapag dumaraan ang tricycle na ito.
Paskong-pasko na nga sa tricycle ni Mang Ernani Cadiang, 64-anyos, tubong Noveleta Cavite.
Dahil ang kanyang tricycle napalilibutan ng patay-sindi at makukulay na ilaw.
Dating OFW sa Saudi si Mang Nani na isang Machine Operator na kung saan 15 taon din siyang nagpabalik-balik sa Middle East, bago tuluyang mag-full time tricycle driver na lang dito sa Pinas.
Ang kanyang tricycle na puno ng mga ilaw ay pinapaandar lang naman ng 2 solar panel bukod sa libreng panonood ng tv o kaya naman ay videoke.
Sa kabila nito, hindi dapat mag-alala sa pamasahe na kung iisipin ay mahal sisingilin sa bawat biyahe.
Ayon kay Mang Nani, regular lang naman ang singil niya sa bawat pasahero.
Ang mahalaga lang kay Mang Nani ay masaya at natutuwa ang kanyang nagiging pasahero.
Maging ang mga nadaraanan niyang mga bata ay sobrang natutuwa rin.
“Nawawala ang pagod ko kapag nakikita ko silang masaya. Kung ang ibang tao nga ay sumasaya eh di lalo na ang pamilya ko lalo na ang mga apo ko”, kuwento ni Mang Nani.
Kasalukuyang may dinaramdam na sakit ngayon si Mang Nani.Subalit hindi ito nagiging hadlang upang patuloy niyang mapaligaya ang bawat pasahero.
Patuloy na tatakbo ang kanyang tricycle. Patuloy siyang maghahatid ng saya sa pasahero.
Habang kumukuti-kutitap ito na mag-iiwan ng magandang alaala sa kanilang buhay. SID SAMANIEGO