PIÑOL: CORN RICE IPALIT SA WHITE RICE

NAGBIGAY ng suhestiyon si Department of Agriculture (DA) Secretary Emmanuel Piñol na gawing alternatibo ang corn rice sa white rice dahil sa krisis na nararanasan ngayon sa bigas.

Kung presyo ang susuriin,  mas mababa ang presyo ng corn rice kumpara sa white rice. Nasa P20 hanggang P30 pesos lang kada kilo mabibili ang corn rice.

Sa ngayon ay hindi na masyadong kinakain sa bansa ang corn rice na dati, noong taong 1960, nasa 60 porsyento ang kumakain ng corn rice sa ating bansa.   Ngayon ay sa Visayas at ilang lugar sa Mindanao na lamang ito madalas mabili.

At dahil nga nagkakaroon ng problema sa bigas, tinatrabaho na ng DA ang pagkakaroon ng corn rice sa mga National Food Authority (NFA) outlets.

Ngunit sa pananaw naman ng Advocacy group na Bantay Bigas, hindi solusyon ang corn rice sa problema ng bansa ngayon sa bigas.

“Dapat ang gawin ni Secretary Piñol  na   resolbahin ang ugat ng problema kung bakit ba tayo nagkakaganito, bakit may krisis sa ating agrikultura.

Ang solusyon dito ay suportahan ang mga magsasaka at kailangan talagang lagyan ng pondo ang NFA. Bilhin yung 10 percent nung ating locally produced nang sa ganon ay hindi aasa sa importas­yon,’’ pahayag ni Cathy Estavillo, tagapagsalita ng Bantay Bigas.

Ang kagandahan naman ng corn rice bukod sa mas matipid ito ay mas masustansiya rin ito kumpara sa white rice.

“Ito ay mas mababa sa tinatawag nating glycemic index. Ibig sabihin, ‘pag ito ay mas mababa sa glycemic index, ang enerhiya na nanggagaling sa corn rice or corn ay mas dahan-dahang ina-absorb ng katawan. Ibig sabihin, mas maganda ito para sa mga diabetic,’’ paliwanag ni Elaine Bañares isang Dietitian.

Hinihikayat din ng DA ang mga magsasaka na magtanim ng white corn dahil mas marami umano ang production area para dito. LYKA NAVARROSA

Comments are closed.