KINILALA ni Taguig-Pateros First District Rep. Alan Peter Cayetano ang atletang Pinoy na tumulong sa mga naapektuhan ng COVID-19 at mga biktima ng matinding pagbaha dulot ng Bagyong Ulysses.
Kabilang na rito ang volleyball community na nagsagawa ng mga auction ng kanilang personal na gamit, kabilang ang mga jersey, upang makalikom ng pondo para sa mga frontliner at kapwa atleta, kasama ang mga coach, ball boy, volleyball official, at trainer na nawalan ng trabaho dala ng community quarantine.
Ipinahayag ito ni Cayetano noong Linggo (Nobyembre 29) sa handover ng mga bagong bisikleta sa mga atleta ng Sepak Takraw at Volleyball na naglaro sa SEA Games noong nakaraang taon. Nagpamahagi rin siya ng mga grocery pack at bicycle accessory sa mga rider mula sa Barangay Tipas sa Taguig City.
Kinilala ni Cayetano ang kabayanihan ni Elly Jan Nituda, dahil sa pag sagip ng ilang mga naging biktima ng mataas na baha sa Marikina kamakailan. Isa siya sa nakatanggap ng bronze medal for Sepak Takraw noong 30th Southeast Asian (SEA) Games noong isang taon. Isa si Elly sa mga nakatanggap ng bagong bisikleta mula Kay Rep. Cayetano.
Tinulungan ni Nituda ang Filipinas Sepak Takraw Federation Secretary General na si Irene Tanchanco at ilan sa kaniyang mga kapitbahay sa Provident Village, Marikina noong magkaroon ng matinding pagbaha rito sanhi ng bagyong Ulysses noong Nobyembre 11 at 12.
Nais ng kongresista na ipagpatuloy ng mga atletang lumahok sa SEA Games ang “bayanihan spirit” na naumpisahan noong kompetitisyon, lalo na ngayong mayroong kinakaharap na pagsubok ang bansa, “paraan natin ito upang pasalamatan ang ating mga atleta na nagsisilbing inspirasyon sa ating kabataan at nagpapakita ng pagsusumikap upang ma-improve ang kanilang performance sa kabila ng pandemya”.
Ayon kay Cayetano, nais niya ring ipagpatuloy ang pakikipagtulungan sa mga atleta at gawin itong mga “champion of bike advocacy” na siyang isinusulong ngayon sa Taguig.
Bilang bahagi ng promotion sa paggamit ng bisikleta bilang isang viable mode ng transportasyon at magandang paraan upang manatiling malusog, nagtayo ang Taguig ng mga bike lane sa Cayetano Boulevard at Bayani Road at gayundin sa C6 Road.
Gumawa rin ang lungsod ng isang comprehensive bike program para sa new normal, para makatulong ito sa mga manggagawa sa kanilang paggamit ng bisikleta bilang isang essential mode ng transportasyon
Noong Hunyo, pinirmahan ng Lungsod ng Taguig ang Bike-Friendly Taguig City Ordinance bilang bahagi ng programa nito na maging bike city sa Metro Manila.
Nakikipagtulungan din ang lungsod sa mga pribadong sektor, lalo na sa mga business, upang tumaas pa ang bilang ng mga bike-friendly places at facilities, kabilang na ang mga protected lane, bike rack, shower, at restroom para sa mga siklista.
Comments are closed.