KUNG ang Blu Girls ay sasabak sa Asian Softball sa Japan, mapapalaban naman ang mga Pinoy sa East Asia Baseball Cup sa Indonesia bago ang Asian Games sa Agosto sa Jakarta at Palembang.
Makasasagupa ng mga Pinoy ang mga pambato ng Thailand, Pakistan, Sri Lanka, Macau, Hong Kong, Macau at host country kung saan isa si dating player Fulgencio Rances sa foreign umpires na hinirang ng Asian Baseball Associaton.
Ang torneo ay magsisilbing final tune-up ng mga Pinoy sa Asian Games, tampok ang mga koponan mula sa Japan, South Korea, China, Chinese-Taipei, Thailand, India at host country Indonesia.
Ito ang ikalawang foreign exposure ng mga Pinoy matapos magkuwalipika sa World Baseball na ginanap sa Chinese-Taipei.
Nagkaroon ng malaking pagbabago sa lineup ng koponan at puro bata na ito ngayon, maliban sa beteranong si Jonas Ponce.
Ayon kay PABA official Chito Loyzaga, ang koponan ay binubuo ngayon ng young talented players upang palakasin ito at maging ‘highly competitive’.
Umaasa si Loyzaga, daing Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner, na muling magwawagi ang Filipinas at mapananatili ang dominasyon sa torneo na una nilang napanalunan sa Chandigarh, India noong panahon ni PABA president Hector Navasero.
Ang Filipinas ang reigning champion sa SEA Games, SEA Baseball at East Asia Cup at ranked 5th sa Asia at 28th sa mundo.
Ang partisipasyon ng mga Pinoy ay suportado ng PSC at ng Philippine Olympic Committee (POC). CLYDE MARIANO
Comments are closed.