PINOY BATTERS MASUSUBUKAN SA ARIZONA

baseball

MAKARAANG ma­ta­gumpay na mai­depensa ang korona sa baseball sa katatapos na 30th Southeast Asian Games, mu­ling mapapalaban ang mga Pinoy sa World Baseball Classic na aarangkada sa Marso sa Phoenix, Arizona, USA.

Makikipagsabayan ang mga Pinoy na pina­lakas ng anim na Filipino-Americans sa mga kalaban mula sa mahigit 20 bansa sa prestihiyosong torneo na may basbas ang International Baseball Association.

Ang Filipinas ang tanging bansa sa Southeast Asia at ika-5 Asian country na kalahok sa kumpetisyon, kasama ang Japan, South Korea, Chinese Taipei at China. Sasabak din ang New Zealand at Australia bilang kinatawan ng Asia Oceania.

Magpupulong ang mga namumuno sa baseball, sa pangugnuna ni Philippine Amateur Baseball Association (PABA) president Joaquin ‘Chito’ Loy­zaga, para sa gagawing pag­hahanda sa torneo.

Ang koponan ay gagabayan ni Orlando Binarao, katuwang ang anim na assistant coaches, kasama sina Ric Jimenez at Joseph Orellana.

Ngayon pa lang ay puspusan na ang ensayo ng mga Pinoy bilang ­paghahanda sa torneo kung saan muling masusubukan ang kanilang galing bilang  ‘undisputed kingpin of baseball’ sa Southeast Asia at Asia Cup.

Inanyayahan sa torneo ang Pinas bilang SEA Games champion.

Ang kampanya ng mga Pinoy ay susuportahan ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. CLYDE MARIANO

Comments are closed.