NAG-COURTESY call kahapon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal at miyembro ng Filipino Chamber of Commerce of Hawaii (FCCH).
Ang simpleng seremonya ay ginanap sa Malakanyang kung saan ay ipinaabot ng FCCH ang kanilang suporta sa administrasyong Marcos gayundin ang pagsusulong upang maiangat ang turismo sa Pilipinas.
Ang FCCH ay isa sa pinakamalaki at establisadong Filipino chambers sa Estados Unidos na may layuning paigtingin ang mga negosyo ng mga Pilipino sa Hawaii sa pamamagitan ng pagbibigay ng pagsasanay at networking ng mga negosyante roon.
Ikinuwento ni Pangulong Marcos ang kabutihang-loob na ipinakita sa pamilyang Marcos ng mga kababayang Filipino at maging ang mga Hawayano noong 1986.
Inilahad din ng Pangulo ang mga inisyatibo na ipinatutupad ng kanyang administrasyon upang mapanatili ang post-pandemic growth momentum ng bansa.
Dumalo rin sa nabanggit na okasyon sina Presidential Management Staff Secretary Zenaida Angping at Office of the Press Secretary OIC Undersecretary Cheloy Garafil. EVELYN QUIROZ