WALANG ibang hangad si head coach Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno kundi ang manumbalik ang paghanga at paggalang sa mga Pinoy bowler tulad noong kasikatan niya at umaasa ang four-time World Cup champion na mangyayari ito sa 30th Southeast Asian Games na gaganapin sa bansa sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
“My fervent wish is to bring back the glory years where the Filipinos lorded over, admired and respected by their foreign peers,” sabi ni ni Nepomuceno bago umalis patungong Singapore, kasama ang mga bowler, upang lumahok sa Singapore Open Bowling.
Hindi maganda ang performance ng mga Pinoy sa dalawang nagdaang SEA Games sa Singapore at Malaysia at ang gusto ni Nepomuceno ay makabalik ang mga Pinoy sa dati nilang kinalalagyan at itaas ang bandila ng Filipinas.
Ang kampanya ng mga Pinoy sa nasabing torneo ay suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez. Bahagi ito ng paghahanda ng mga Pinoy sa biennial meet na iho-host ng bansa sa ikaapat na pagkakataon.
Sa masusing gabay ni Nepomuceno katuwang si dating Asian Bowling Masters king Engelberto ‘Biboy’ Rivera, makikipagsabayan ang mga Pinoy sa mga kalaban na determinadong magwagi at makapag-uwi ng karangalan sa bansa at tumaas ang morale sa kanilang medal campaign sa SEA Games.
Ayon kay Nepomuceno, magkakaroon ng pagkakataon ang mga Pinoy na mapag-aralan at mapaghandaan ang mga kalaban.
“The tournament will give our bowlers the chance to size up and weigh the competitiveness of our rivals because they are the same bowlers we will face in the SEA Games,” sabi ni Nepomuceno.
Umaasa si Nepomuceno na hindi mabibigo ang mga Pinoy dahil pinaghandaan nila ito at ang kanilang tagumpay ay magsilbing jumping board sa kanilang medal campaign sa SEA Games. CLYDE MARIANO