PINOY BOXER SUMUNTOK NG SILVER SA WORLD YOUTH

MATAPOS ang golden performance ni Carlo Paalam sa Asian Elite Championships sa Amman,Jordan kamakailan, isang up-and-coming youngster ang kuminang sa World Youth Championships na nagtapos noong Biyernes ng gabi (Manila time) sa La Nucia, Spain.

Nagtala si Ronel Suyom, 17, ng Cagayan de Oro Boxing team, ng ilang upsets tungo sa silver medal finish sa torneo na umakit ng mahigit 500 kalahok mula sa 73 bansa.

Tubong Bukidnon, si Suyom ay nagsanay sa Cagayan de Oro gym na itinayo ni long-time CDO Mayor Oscar Moreno. Ang boxing program ay ipinagpatuloy ni newly-elected City Executive Klarex Uy.

Umabante si Suyom sa Finals ng torneo para sa 17 & 18 year olds makaraang gapiin ang pambato ng host country sa minimum weight category na si European Youth champion Rafael Lozano Serrano, kung saan pinabagsak niya ang Spanish boy sa first round bago naitala ang decisive 5-0 decision.

Sa Finals, matikas na nakihamok ang Mindanao boy, na naulila sa ina sa murang edad at pinalaki ng kanyang lola sa boondocks ng Bukidnon, laban sa highly-favored boxer mula sa India, sa katauhan ni Suresh Vishvanath, bago yumuko sa split decision, 4-1.

“Ronel looked a bit overwhelmed and could have stuck to the fight plan more. This is his first trip out of the Philippines after all, but he is young, talented and willing to learn. We will put him on a stringent strength and conditioning plan to toughen him up even more,” wika ni ABAP training director Don Abnett.

Ikinatuwa ni ABAP chairman Ricky Vargas ang performance ng Philippine National Boxing Team sa huling dalawang major competitions, at sinabing, “the future looks bright for Philippine boxing. Let’s stay focused and give our boxers the opportunities they need.”

Sa kanyang panig, pinasalamatan ni ABAP president Ed Picson ang “triumvirate that has been responsible for whatever semblance of success we have so far achieved – the Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee and our private benefactor, the MVP Sports Foundation.”

“We express our sincerest gratitude to PSC chairman Noli Eala, POC president Bambol Tolentino and MVPSF president Al Panlilio for their faith in our athletes and their continuing support of ABAP’s programs.”

Dalawang iba pang Filipino coaches ang nanguna sa koponan sa Spain – ABAP coaches Elias Recaido at Elmer Pamisa.