NANINIWALA si Atlanta Olympics silver medallist Mansueto Velasco na malaki ang tsansa ng mga Pinoy boxer na manalo sa Asian Games na aarangkada sa Agosto 18 hanggang Setyembre 2 dahil sa angking galing at tapang ng mga ito na hinahangaan sa mundo tulad ng ipinakita nina boxing icons at world champions Manny Pacquiao, Jerwin Ancajas at Donnie Nietes.
Isa lang ang pangamba ni Velasco – ang judging – at umaasa siya na magiging patas ang mga judge at igagawad ang panalo sa karapat-dapat na magwagi.
“May instances na natatalo ang winning boxer dahil questionable ang judgment at nangyari na ‘yan sa akin. Sana ay patas ang judges at ibigay ang verdict sa tunay na nanalo,” sabi ni Velasco.
Dahil malapit sa kanyang puso ang boxing, ang 45-anyos na si Velasco ay nag-aalaga ng mga boksingero at may training gym sa Makati.
“Mahal ko ang boxing at dito ako nakilala sa mundo kaya naman maski retired na ako ay aktibo pa rin ako sa boxing bilang trainer,” anang taga-Bago City, Negros Occidental.
Si Velasco ay boxing consultant ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinamumunuan ni Chairman William Ramirez at opisyal sa PSC-Pacquiao Boxing Cup na nakatakdang laruin ang finals sa Cebu matapos ang serye ng eliminations na ginawa sa iba’t ibang lalawigan at lungsod sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Lalahok ang mga Pinoy sa walong weight divisions, kasama sina Carlo Paalam, Eumer Felix Marcial, Joey Batso, Mario Fernandez, NesthyPetecio at Josie Gabuco.
Ang mga kalahok ay nagsanay sa labas ng bansa at sumabak sa highly competitive boxing tournaments sa Russia, Poland, Kazakhstan, Thailand, at Indonesia.
Si Marcial ay gold medallist sa nakaraang dalawang Southeast Asian Games na ginanap sa Singapore at Malaysia.
Ang boxing ang tanging sport na nakapag-produce ng medalya sa Olympic Games – dalawang pilak sa kabayanihan nina Anthony Villanueva (1964, Tokyo) at Mansueto Velasco (1996, Atlanta, Georgia) at tatlong tanso mula kina Cely Villanueva (1932, Los Angeles), Leopoldo Serrantes (1988, Seoul), at Roel Velasco (1992, Barcelona, Spain). CLYDE MARIANO
Comments are closed.